Aguinaldo Shrine, Kawit, Cavite

Ito ang bahay ni Emilio Aguinaldo – ang unang Presidente ng Pilipinas! Ito ay makikita sa Kawit, Cavite.  Pagdating sa SM Bacoor, kaliwa lang.  Madadaanan ang Island Cove Resort bago marating ang shrine na ito.  Ito ay isang “historical landmark”  na ang ibig sabihin ay malaki ang naging bahagi ng bahay na ito sa kasaysayan ng Pilipinas.  Walang entrance fee! Ayon sa mga nasusulat, itinayo raw ito noon pang 1845 at naging isang shrine noong 1965.

Mabuti na lang at na-preserba ang bahay na ito kahit ganuon pa ito katanda. Kailangan talaga nating pangalagaan ang mga ganitong lumang bahay dahil dito natin makikita ang naging nakaraan ng ating bansa. “We should learn from history” -sabi nga nila. Meron bang programa ang ating gobyerno para mapa-ngalagaan ang mga lumang bahay at iba pang istraktura dito sa Pilipinas?  Ang alam ko kasi ang pangangalaga sa mga ito ay trabaho ng gobyerno na nakaatang sa NHI.  Dahil sa kakulangan ng pondo (lagi naman!) ay hindi kaya na napapangalagaan ang ganitong mga bahay. Nabalitaan nyo rin ba ang nangyari sa bahay ng nanay ni Rizal sa Laguna? Yung “Alberto house” na balak sanang gibain.  Sana ay patuloy na ipaglaban sa demolisyon ang bahay na ito. Alam ko na may mga isyu tungkol sa bahay ng nanay ni Rizal pero sana hindi mangyari sa Aguinaldo Shrine ang nagaganap sa Alberto house.

Alam kong hindi kaya ma-ingatan ng mabuti o masagip sa mga demolisyon ang mga lumang bahay kung iaasa lang natin ito sa gobyerno. Alam natin na ang ating gobyerno marami ring problema na hinaharap.  Gaya nga ng nasabi ko, lagi na lang wala o kulang sa pondo ang ating pamahalaan. Kaya dapat lang na magtulong-tulong tayong lahat upang maingatan ang yaman ng ating nakaraan.  Patuloy nating suportahan ang lahat ng grupong may malasakit sa naiwan ng ating kasaysayan. Kapag tayo namamasyal sa mga lugar na ito at iba pang pook pasyalan, iwasan natin ang pagtatapon ng basura kung saan-saan!

Malawak ang parking dito. Kaya walang problema kung saan iiwanan ang dalang sasakyan. Ang napansin ko ay kakaunti lang kaming nakaisip na dumalaw sa bahay na ito ng araw na iyon. Mangilan-ngilan lang ang kotseng mga nakaparada. Gayunpaman, may mga napuna akong mga nakatambay at nagbebenta ng ibat-ibang uri kakanin.  May nagtitinda pa nga ng mani. Naroon din ang isang batang nagbebenta ng sampaguita. Napansin ko rin ang mga mag-sing irog na parang ginawang “dating place” ang lugar. Karaniwan na siguro  ang eksenang ito. Kahit sa Intramuros sa Maynila, meron din mga nag-liligawan at nag-de date. (Mas marami pa nga sa Intramuros kumpara dito).  Marahil ay pangkaraniwan na nagiging “dating place” ang mga lugar tulad nito. Mas magastos kasi makipag-date sa mga mall. Sa mga nag-de date, halata din ang bago pa lang at yung mag-asawa na. Yung bago pa lang kasi ang relasyon sweet na sweet at “holding-hands-while-walking pa sway-sway pa”. Samantalang, yung mag-asawa parang ala ng paki ang lalaki. Biglang naging “extinct” ang pagiging isa nyang “gentleman” noong naniningalang-pugad pa sya.

Sa may parking area pa lang ay makikita na ang isang estatwa ng heneral na nakasakay sa kabayo. Marami ring mga naka-ukit na sulat ng mga pangalan na sa tingin ko’y mahahalagang personalidad noong panahon ng himagsikan. Mainit kasi ang araw noon, kaya hindi ko gaanong nabasa ang mga sulat na nakaukit sa bato. Gusto ko man basahin ang mga pangalang naka-ukit, hindi ko na nagawa. Nakakatusta kasi ang sikat ng araw! Wala pa naman kaming dalang payong. Ang badoy naman gumamit ng pandong! Sa susunod, hindi ko na kakalimutan mag-dala ng payong kahit nakakasira ng porma. Ang panahon kasi ngayon hindi maintidihan kung aaraw o uulan.  Mahirap din umasa sa forecast ng PAGASA.

Siyanga nga pala, noong huling dinalaw ko ang bahay na ito, napansin ko na mayroong bagong gawang expressway dito na may nakalagay na “To Manila”. Noong pauwi ay sinubukan namin ang daang ito at nalaman ko na maraming bahagi nito ay “still under construction”. Pero, sa aking palagay baka mauna pa iyong matapos gawin kaysa sa blog na ito.

Gayunpaman, kapag nabuo na ang  expressway patungo sa Cavite ay tiyak na magiging maginhawa na at mabilis ang pagbyahe papunta sa lugar na ito. Kaya lang, bigla ring tataas ang presyo ng mga bahay sa mga subdivision na kabi-kabilang itinayo dito.   Ang kapalit lang ay ang pagbabayad ng “toll fee”. Hindi ko na maalala kung magkano ang toll na binayaran ko pag-balik sa Maynila. Nagmamadali na kasi ako noon dahil may gagawin pa ako sa bahay. Isa pa, parang hindi ata ako ang nagbayad ng toll, kundi ang kasama ko sa sasakyan. Natatandaan ko kasi inabutan ako ng pera ng kasama ko pambayad. Alam ko mura lang ang toll dahil sa gaya nga ng sabi ko, ginagawa pa ang maraming bahagi ng daan. Sana lang kapag natapos na ang expressway na ito ang toll ay hindi kasing mahal ng sa NLEX at SCTEX. Kapag bumibyahe kasi ako sa NLEX at SCTEX,  parusa ang toll fees. Wala lang akong ibang option pati na rin siguro ang mga kapwa ko byahero. Wala naman akong ibang alam na madaraanan papunta sa norte. Kung meron man, baka abutin ng siyam-siyam ang byahe! Kaya sige, titiisin na lang ang toll fee, makarating lang sa nais paroonan. Pero, bakit kaya ganun ka-mahal ang toll fee sa NLEX at SCTEX? Bakit kailangan pang singilin ng gobyerno ng toll fee ang mga dumadaan sa mga expressway na ito, di ba nagbabayad na tayo ng tax? Oo, alam ko na magkaiba ang toll at tax. Alam ko rin na kahit nagbabayad na tayo ng tax ay pwede pa rin tayong singilin ng toll.  Ang sa akin lang, sana pag-aralang muli ng gobyerno kung tama talaga ang sinisingil na toll sa mga nasabing expressways. Baka maaring babaan pa kahit kaunti para sa mga motorista.  Kaya lang alam ko na isang mahabang usapin at debate na naman kung muling bubuksan ng isyu ng toll fee sa NLEX at SCTEX!

Ganuon din siguro ang gagawin ng mga mag-babalak pumunta sa shrine na ito. Kahit magbayad pa ng toll, higit pang nanaisin ng marami ang dumaan sa bagong gawang expressway kaysa mabulok sa trapik. Minsan kasi ang bigat talaga ng trapik sa Bacoor.  Kapag trapik, nakakatamad ng mamasyal. Ito ang dahilan kung bakit tuwing naiisipan kong pumunta ng Cavite ay lagi kong itinataon sa alanganing oras ang byahe. Sa paraang ito ay naiibsan ang trapik. Minsan nga lang. Wala rin! Trapik pa rin talaga kahit anong oras.

Gaya nga ng sabi ko, no entrance fee dito! Papipirmahin lang ang isang kasama sa “guest book” at maari ng pumasok. Mabuti naman at kahit paano’y makakatipid sa gastusin sa pamamasyal. Minsan kasi sa entrance fee pa lang, butas na ang bulsa lalo na kung marami ang sumama na nag-papalibre lang. Bakit kaya ganun tayong mga pilipino, kapag dumating ang isang kamag-anak natin galing sa abroad parang “expected” na  na siya ang taya sa lahat ng gastusin sa mga lakad? Ang tingin kasi natin – kapag galing “abroad” may balon sya ng pera na di nauubos. Sana mabago na ang pananaw na ito. Hindi rin pinupulot ang pera sa ibang bansa. Pinag-hihirapan din yun. [Okay na rin siguro, minsan lang naman maka-pamasyal!]

Noong namasyal kami dito, marami kami! Marami akong kasamang kamag-anak, anak at kakilala nila. Kaya’t pasalamat talaga ang kawalan ng entrance fee. At dahil marami kaming papasok ay sinamahan pa kami ng isang “tour guide”.  Nakalimutan ko  na ang pangalan nya kaya’t tatawagin ko na lang siya rito na si “manong guide”. Habang nag-lalakad kami ay panay ang paliwanag ni manong tungkol sa bahay at sa buhay ni Aguinaldo. Masusi akong nakinig sa mga kwento nya habang ang mga kasama ko naman ay walang tigil sa pagkuha ng larawan.

Sa ground floor ng bahay (na ginawa ng museo) makikita ang “bowling area” ni Aguinaldo.  Noong araw siguro malaki na ito at isa ng karangyaang maituturing ang pagkakaroon ng bowling area sa loob mismo ng bahay.  Naitanong ko nga paano kaya ito nilalaruan? Hindi kasi ito “automatic” gaya ng sa mga bowling centers sa SM. Kapag natumba ang mga pin, isa- isang itatayo? Grabe, ang hirap naman nun! Kailangan meron isang tao na taga-tayo ng pins habang nag-lalaro. Meron pa bang ganito ngayon? Oo, naalala ko meron din palang bolingan na hindi “automatic” gaya ng kay Aguinaldo at nakita ko ito sa UP sa Quezon City.

Dito rin makikita sa ground floor ang mga naiwang gamit ni Aguinaldo- wallet, baril, mga bala, libro, sapatos, mga damit at iba pa. Yung iba pa ngang damit nya may bahid pa [yata?] ng dugo. Pero, sabi ng isang batang may mapag-larong isipan ay mantsa lang daw at hindi dugo ang makikita sa mga damit ni Aguinaldo. Sabi ni manong guide ay “original” o “authentic” daw talagang gamit ni Aguinaldo ang mga naka-display dito.

Makikita rin dito ang isang butas o “sekretong lagusan” kung saan daw lumulusot ang mga katipunero noong araw para takasan ang kanilang mga kalaban. Ang bahay na ito ay kilala sa pag-kakaroon ng mga “secret passages”.  Isang patunay na noong panahon ni Aguinaldo ay nakaka-stress (!) talaga ang mga kalaban at panay-panay ang mga habulan at taguan.

Nang biglang mapansin ko ang isang “malaking bato” na kasama sa mga naka-display ay hindi ko napigilang tanungin si manong guide kung ano ito. Para kasi itong pangkaraniwang bato lang sa akin.  Pero sabi ni manong ay mahalaga raw itong batong ito sapagkat dito nauupo o nagpapahinga si Aguinaldo noong araw habang sya ay nasa gitna ng labanan. Totoo kaya ito?  O mali lang ang pag-kaintindi ko sa sinabi ni manong? Ang ingay at ang kukulit kasi ng mga kasama naming bata. Naiisip ko kasi na impraktikal masyado kung laging dala-dala ang batong ito sa labanan. Ang bigat at tiyak na parusa ang pag-buhat dito!

At dahil sa aking pag-kakaalam na dito unang iwinagayway ang ating bandila noong 12 June 1898 ng ideneklara  ng butihing heneral ang ating kasarinlan, itinanong ko kay manong kung ang bandera na nasa loob ng salamin ay ang mismong bandera na ginamit sa okasyong iyon. Sinagot naman nya ako ng oo.  Kaya’t pinagmasdan ko itong mabuti at naisip ko ang lahat ng pawis, hirap, dugo at at buhay na ibinuwis ng ating mga ninuno makamtan lang natin ang kalayaan. Mas higit kong naisip na nararapat lang na tumayo at mag-bigay galang tuwing inaawit ang Lupang Hinirang.   Minsan napapansin ko na yung ibang mga nanunuod ng last full show sa sine, hindi na tumatayo kapag kinanta ang ating pambansang awit.

Sa pag-akyat sa ikalawang palapag ng bahay na ito ay makikita ang mga kwarto, silid-kainan, paliguan, at ang azotea. Halos lahat ng gamit ay antigo at gawa sa mga mamahaling kahoy. Kahanga-hanga din ang buong detalye ng bahay.  Mayroon itong mga palamuti at inukit na mga dekorasyon na pinag-laanan talaga ng panahon ang pag-gawa. Ang mga naka-ukit  sa mga dingding at pasilyo ng bahay ay nagpapakita ng nasyonalismo at mga simbolismong nag-papaalaala ng pagmamahal sa ating inang bayan.

Namangha ako ng aking makita na nakaukit sa itaas ng kisame ang mapa ng Pilipinas. Si Aguinaldo daw mismo ang nag-pagawa nito. Kitang-kita dito ang lahat ng isla ng Pilipinas mula Luzon hanggang Mindanao. Alam ko na pilit kinumpleto ni Aguinaldo at pinagkasya sa kisame ang lahat ng isla na sakop ng Pilipinas. At sa aking palagay, kung noong panahon nya ay sakop na ng Pilipinas ang “Benham Rise” malamang nakaukit din iyon sa kisame. Sana tuluyan ng mapasa-atin itong Benham Rise. Hindi na sana ito maagaw sa atin. Patuloy sanang kumilos ang ating pamahalaan para mapasa-atin na itong lugar na ito. Baka mamaya pag-interesan na naman ito ng ibang bansa kahit super layo ito sa kanila. Wag sana ito magaya sa Spratlys!

Ipinakita rin sa amin ni manong ang isang “movable” na patungan ng plorera ng bulaklak at mga sikretong daanan at mga taguan ng ibat-ibang mga gamit at dokumento. Totoo pala ang balita na ang bahay na ito ay punong-puno ng mga sikreto. Sa pag-libot ng bahay ay ramdam talaga na ang mga dating nakatira rito ay tinitingala ng lipunan, marangya  at nabibilang sa mga tinaguriang “alta de sosyadad”. Masasalamin sa bahay na ito ang uri ng pamumuhay ng mga mayayayaman noong araw. Ito rin kaya yung tinatawag ng “bahay na bato” noong panahon ng mga kastila?

Natanaw ko rin ang “balkonahe” ng harapan bahay. Marahil ito na ang pinaka-kilalang bahagi ng bahay na ito. Akala ko dati dito talaga unang iwinagayway ang ating bandila. Lagi kasing isinasalarawan na hawak ni Aguinaldo ang bandera natin sa balkonaheng ito habang nagbubunyi ang maraming tao.  Anong pera nga ang nagpapakita ng eksenang ito? Tiningnan ko tuloy ang natitirang kong pera sa wallet.  Hindi naman sa P 20.00 kasi ang naka-drowing ay ang “Palasyo ng Malakanyang”; Hindi rin sa P 50.00 kasi ang isinasalarawan dito ay ang “Gusali ng Pambansang Museo”; Sa P 100.00 naman ay ang “Bangko Sentral ng Pilipinas.  Sa dahilang ito lang ang mga perang naiwan sa wallet ko ay kinalimutan ko na lang ang tanong na ito ng aking isipan.

Sabi sa nasusulat, sa bintana lang daw talaga ng bahay ipinoroklama ni Aguinaldo ang ating kalayaan at hindi sa balkonahe. Ang balkonahe raw kasing ito ay idinagdag lamang matapos ang makasaysayang okasyong iyon. Sa makatuwid, ang pagpapakita sa mga larawan na sa balkonahe ng bahay na ito ideneklara ang ating kalayaan habang hawak ni Aguinaldo ang bandera ay halaw lamang sa imahinasyon ng isang malikhaing isip. Kung sa bagay, higit na may dating kasi kung sa balkonahe isinigaw ang ating kasarinlan. Hindi yung sa bintana lang!

Nang mapadaan kami sa may “azotea” ay nabanggit ni manong guide na dito raw namamalagi ang mga dalaga at dito sila nililigawan ng mga binata. Sabi ni manong, ang pabirong tawag daw ni Aguinaldo sa lugar na ito ay “lugar ng mga makasalanan”. Hindi ako sigurado kung tama ang dinig ko. Pero, hayaan nyo kapag nagkaroon ako ng pagkakataong makabalik ay lilinawin ko ito kay manong.  Pero habang pinagmamasdan ko itong azotea, naalala ko ang mga kwento nila lola – ang hirap daw ng ligawan noon! Noon daw bago maakyat ng ligaw ang isang iniirog kailangan muna haranahin ng binata. Harana? Uso pa ba yun ngayon? Kahit siguro sa malalayong probinsya dito sa Pilipinas wala ng harana. Kung meron man, sana hindi mawala ang kaugaliang ito. Ang harana kasi ay isang pamana ng ating mga ninuno at nag-papakita ng ating pagka-pilipino.

Ang tagal-tagal din daw ng ligawan noon! Taon ang inaabot. Kailangan din daw marunong ka mag-sibak ng kahoy. Ito yata ang tinatawag na “paninilbihan” bago pumayag ang pamilya ng babae na ikasal ang kanilang anak sa bf nya. Sumagi din bigla sa isip ko yung salitang “dote”. Yun bang dapat ding mag-alay si lalaki ng alahas, alagang kalabaw o anumang may halaga sa mga magulang ng kanyang aasawahin. Grabe, tyagaan talaga noon. Mabuti na lang at hindi ako nabuhay noong panahong iyon! Sa ngayon kasi ang ligawan text-text lang, okay na.  Noong araw din daw, mahawakan lang ang kamay o makita lang ang talampakan ng babae “big deal” na. Wow! boring naman nun.

Akala ko pwede umakyat dun sa tore ng bahay. Napanuod ko sa tv na yung host ng isang travel show inakyat ito at ipinakita ang isang napakagandang tanawin. Yun pala hindi lahat pwedeng umakyat. Sayang. Gusto ko pa naman ang nasa mataas na lugar. Malayo kasi sa baha. Yung bahay kasi namin kaunting ulan lang baha na! Noong “ondoy” nga nag-mistulang isang malawak na karagatan ang lugar namin sa taas ng baha. Sa dahilan daw na  may kalumaan na ang bahay na ito ay  hindi na kami pinayagan ni manong guide na umakyat sa tore. Siguro, ay napansin nya rin ang mga makukulit at maiingay na kasama naming mga bata. Ewan ko talaga kung bakit ang daming sumasamang bata sa pamamasyal namin. Puro pasaway pa! Baka mamaya may masira pa ang mga ito, mapag-bayad pa kami.

Nabanggit din ni manong guide na si Aguinaldo ay maliit lang na tao at hindi katangkaran. Nagulat ako ng marinig ko ito. Isinasalarawan kasi ng aking isipan na matangkad at malaking tao itong si Aguinaldo. Heneral kasi sya di ba? Gayundin, ang akala ng marami sa naroon.  Napansin ko nga na sa mga gamit nya na naka-display sa kanyang bahay ay maliit nga lang talagang tao itong si Aguinaldo. Sumagi tuloy sa isipan ko ang kasabihang “walang malaki na nakakapuwing”. Maliliit lang pala silang mga nakipag-laban sa ating kalayaan at sa mga kastilang mananakop. Hindi ba maliit na tao rin si Rizal?  Hindi ba mismong ang ating pambansang bayani ay di katangkaran? Totoo talaga na hindi lahat nadaraan sa laki ng katawan. Sa pagiging dakila hindi hadlang ang pagiging maliit.

Habang patuloy naming nililibot ang bahay ay may bigla na lang nag-ungkat sa matagal ng nakatagong katanungan sa ating kasaysayan.  May nagtanong – si Aguinaldo nga ba talaga ang nagpapatay kay Bonifacio? Matagal na itong tinatanong ng mga mag-aaral ng ating history.  Pero, kahit ang mga eksperto ay hindi maka-pagbigay ng sagot. Ibat-iba kasi ang mga kwento, opinyon at haka-hakang lumalabas ukol dito. Isa ito sa mga katanungang ang kasagutan ay ibinaon na sa baul ng pag-limot. Walang naging tugon dito kahit si manong guide kaya’t nag-patuloy na lang kami sa pag-libot ng bahay.

Sa pag-labas ay makikita sa ilalim ng  hagdan ang “swimming pool”  daw ni Aguinaldo. Hindi naman ito kalakihan at akala ko nga noong una ay imbakan lang ito ng tubig.  Malayo kasi ang itsura nito sa mga swimming pool ngayon.  Marahil noong araw, ganito talaga ang itsura ng mga pool.  Sana nga lang, linisin na ang nakaimbak na tubig dito. Mas mabuti pa ngang itapon na lang ang laman nitong tubig. Napansin ko kasi na nilulumot na ito at pinapamahayan na ng mga lamok.  Baka kasi makadagdag pa sa problema natin sa dengue.

Sa bakuran sa likod ng bahay makikita ang puntod ni Aguinaldo. Dito ay marapat na magpasalamat sa kabayanihang ginawa ng yumaong heneral.  Bakit kaya kung kelan wala na ang isang tao saka natin naiisip ang kabaitan at kanyang mga magagandang ginawa?

Noong marahil ay nararamdaman na ni Aguinaldo na malapit na ang takipsilim ng kanyang buhay,  naisip nya na i-“donate” o  ialay ng walang bayad sa gobyerno ang kanyang bahay noong 1962.  Matapos nyang gastusan ng husto at pagandahin ang kanyang bahay ay hindi sya nag-atubili ng ibigay ito ng libre sa gobyerno! Itong ginawa ni Aguinaldo ay nararapat na tanawin nating isang malaking-utang na loob sa kanya.  Sino pa kaya ang makakaisip na gumawa ng tulad nito sa ngayon? Siguro, kung hindi ito ginawa ni Aguinaldo at napunta ang kanyang bahay sa kung sino mang walang inisip kundi ang kumita – malamang ang mahal siguro ng entrance fee dito!

Ayon sa mga nakatala, Si Aguinaldo ang pinakabatang naging Presidente ng Pilipinas sa edad na 29.  Ang galing naman nya, 29 pa lang sya Pangulo na! Marami nga akong kakilala dyan mahigit 30 na ang edad wala pa ring mahanap na trabaho hanggang ngayon! Hindi rin natin sila masisisi kasi (sa totoo lang!) ang hirap din talaga mag-hanap ng trabaho dito sa Pilipinas. Ang liit pa ng sweldo. Dahil dito, marami nakakaisip pumasok sa “call centers” o maki-pagsapalaran na lang sa ibang bansa. Hindi ko sinasabi na masama mag-trabaho sa mga call centers. Nag-papasalamat nga ako at kahit paano’y may mapapasukang trabaho. Sanayan lang ang puyatan!

Marahil ay hindi na mabubura ang naitala nya sa ating kasaysayan bilang pinakabatang naging Pangulo. Ang alam ko kasi ngayon bago ka mahalal na Presidente dapat 40 years old ka na. Ano kaya ang mangyayari kung ibaba ng Kongreso ang edad na pwede ng maging Presidente ng Pilipinas sa 29 years old? Siguro, sa unang pagkakataon magkakaroon tayo ng Pangulo na ang dating ay mala- “bad boy on the dance floor?”

Bukod sa pagiging isang magiting na heneral at unang Pangulo ng ating bansa, si Aguinaldo ay isang bayani! Habang nag-pipicture taking ang ilang namamasyal sa harap ng puntod nya, naalala ko ang dahilan kung bakit ang ating ipinagdirawang ay ang araw ng kamatayan ng isang bayani at hindi ang kanyang kapanganakan. Ito ay sapagkat sa araw ng kamatayan ng isang tao – duon sya naging dakila! (tama ba?).

Matapos sa puntod ay tinungo din namin ang naka-display na isang lumang sasakyan sa bakuran. Ito raw ang ginamit ni Aguinaldo noong panahon nya. “Vintage” na talaga ang kotse.  Ganitong-ganito ang itsura ng kotse na napapanuod ko sa mga lumang pelikula. Gaano kaya kabilis ito? Matipid kaya ito sa gas?  Pwede pa ba ito i-trade in? Magkano kaya ang presyo nito ngayon? Ang dami kong tanong habang pinag-mamasdan ko ang sasakyan na ito.  Isang pangarap lang kasi ang mag-kakotse dito sa Pilipinas. Hindi katulad sa amerika, madali lang mangutang ng kotse. Pero, utang yun at di ibig sabihin ay naka-angat na sa buhay ang nagkaka-kotse sa amerika.  Sa states kasi ang kotse ay “necessity” talaga. Wala duong jeep, tricycle at pedicab. Madalang din daw ang bus at sa layo ng mga pupuntahan kailangan talaga ng sasakyan.

Dito sa Pilipinas, sa sobrang trapik at sa hirap mag-hanap ng parking, mas okay minsan ang mag-commute. Ang pag-kakaroon kasi ng sariling kotse kaakibat din ang malaking gastos. Sabi nga nila, pag may kotse ka raw para ka ring may pinapaaral.  Kapag may kotse ka kasi nariyan ang gastos sa maintenance, insurance at gasolina. Idagdag pa ang pang-bayad buwan-buwan kung hulugan lang nakuha ang kotse. Nariyan din ang bayad sa parking sa mga mall! (Dapat talaga wala ng parking fee sa mga mall kasi  customer ka naman nila!) Ano na kaya ang nangyari sa panukala na tanggalin na ang parking fee sa mga malls?  Parang nag-laho na lang bigla…  Pero, iba pa rin talaga ang dating kapag may kotse ka di ba? Mahirap kasi manligaw kung wala kang kotse. Ang mga kadalagahan karamihan ayaw sa ginoong gumagamit lang ng “public transport” sa pakiki-pagdate. Mas gusto nila yung may “car-rakter” o may magandang pag-uugali. Sabagay, libre lang naman mangarap.

Dito pala sa bahay ni Aguinaldo, mayroong ding lugar kung saan pwede kang bumili ng ibat-ibang “souvenirs”.  May mga samut-saring ibenebentang t-shirst, pulseras, kwintas at mga libro. Lagi naman talagang meron nito sa lahat ng mga kahalintulad na lugar na napasyalan ko. May isang bahaging inilalaan para sa bilihan ng mga souvenir items. Pero, minsan dagdag lang ito sa gastos! Turo kasi ng turo lalo ang mga bata. Sabi ko ituro lang ang gusto. (Ituro lang ha, pero ibang usapan na kung bibilhin). (My pics/August 2011).

This entry was published on August 19, 2011 at 7:20 am. It’s filed under travel and tagged , , . Bookmark the permalink. Follow any comments here with the RSS feed for this post.

2 thoughts on “Aguinaldo Shrine, Kawit, Cavite

  1. bilang pilipino may tungkulin tayo sa ating inang bayan.isa na dito ang himukin ang kasunod nating henerasyon na pag aralan ang ating pinagmulan at ang ating kasaysayan. kudos sayo sa pag pagbigay pugay sa bahay ni aguinaldo.
    http://clapperladies.blogspot.com/2008/08/pambansang-museo-ng-pilipinas-last.html

  2. gagawin ko to sa assignment ko ang galing

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: