Muling Pagdalaw sa Rizal Park

Noong ika-13 ng Nobyembre 2011 ay muli kong nadalaw ang “Rizal Park” o ang Luneta. Wala naman talaga akong balak na dalawin ang lugar na ito pero dahil nagkaroon ako ng oras ay naisipan kong muling bumisita kung saan binaril ng mga kastila ang ating pambansang bayaning si Rizal.

Alas kwatro na ng hapon ng makasakay kami sa LRT station sa Roosevelt sa may tapat ng Waltermart mall. Linggo ngayon kaya inasahan ko na kaunti lang ang tao. Naranasan ko na kasi na pahirapan at halos patayan ang pagsakay sa LRT lalo na kung “rush hour”. Kapag Lunes kasi hanggang Biyernes talagang siksikan ang mga tao. Wala ng galawan at kung pwede lang pigilan ang paghinga ay gagawin huwag lang maamoy ang di kaaya-ayang katabi.

Bente pesos ang pamasahe papunta sa UN station kung saan bababa papunta sa Rizal Park. Nang dumating na ang tren ay napansin ko na kakaunti ang mga sakay nito.  Mabuti naman at mayroong isang lugar na inilaan para sa mga babae. Minsan kasi kapag siksikan ang karaniwang nagiging biktima ng mga bastos at manyak kung turingan ay ang mga babae. Napansin ko rin na may mga nakapaskil na paalala na bigyan ng prayoridad  na maka-upo ang mga matatanda at may mga kapansanan. Hindi ko lang alam kung nasusunod ito.  Minsan kasi napapansin ko na parang naglaho na ang “gentleman” kahit nakatayo na sa harap nga ng lalaki ang isang babae o matanda ay nag tutulog-tulugan na lang at pikit ang mata na kunwari’y di napapansin ang babae o matanda sa kanilang harapan.

Kahit siksikan ay marami pa rin ang sumasakay sa LRT at MRT. Mabilis kasi at airconditioned.  Isa pa iwas trapik ang pagsakay sa MRT at LRT.  Sa pagsakay naman kasi sa dyip ay lulukob sa iyo ang makapal na alikabok at mga usok ng tambutso kayat kahit mataas ang hagdan ng MRT at LRT ay pag tyatyagaan ito. Maswerte na lang kung sa lahat ng pagkakataon ay gumagana ang escalator.

Ang Roosevelt Station ng LRT ay mukhang bago pa. Idinugtong ito sa Monumento station. Napansin ko ngang bago pa ang tiles ng mga daanan. Kaya lang noong pumasok ako sa kanilang CR ay maraming urinals ang di gumagana.  Sana ay mapanatili na malinis at maayos ang mga CR sa MRT at LRT.   Para mangyari ito dapat lang ay katuwang tayong lahat na mga pasahero.  Ayusin natin ang pag-gamit ng mga ibat-ibang pasilidad ng MRT at LRT! Wala na rin sanang magnakaw ng mga gripo sa CR. Nakakahiya na pati ang mga gripo at iba pang pwedeng ibenta ay pinag-iinteresan pa natin. Kahit gaano kahirap ang ating buhay-pinoy hindi dahilan ang pagnanakaw.

Parami ng parami ang mga tao habang binabagtas ng LRT ang daang riles. Akala ko kapag ganitong araw ng Linggo ay kaunti lang ang tao. Mali pala! Siksikan pa rin kahit ganitong araw.  Kaya isipin na lang kung gaano kahirap ang pagsakay sa LRT tuwing may pasok sa trabaho. Ganito talaga ang buhay sa Pinas parami ng parami ang mga tao kayat halos sa lahat ng lugar ay siksikan na talaga!

Noong makaupo kami ay napansin ng kasama ko na ang kanyang katabi ay pasimpleng inaabot ang kanyang bag. Dali-dali nya itong inilayo at inilapit sa akin. Tiningnan ko ang lalaki at at para siyang pa-inosente at naka kibit-balikat lang na parang inaantok.  Kaya lang, maya maya pa ay palingon-lingon ang kanyang  mga mata. Mahirap lang talaga mag-bintang. Dahil siguro sa dalas at dami ng nananakawan at nadurukutan sa LRT ay patuloy ang paalala na ingatan ng mga pasahero ang  kanilang gamit.  Naisip ko tuloy kung sa pagsakay sa tinatawag na “bullet train” ng Japan ay may mga mandurukot din. Kapag nagkaroon ako ng pagkakataon na makapunta sa Japan o sa ibang bansa ay ikukwento ko sa inyo ang aking karanasan. Iyon ay kung magkaroon ako ng pagkakataon…

Sa mga turista at lahat ng pasahero, ingatang mabuti ang inyong mga gamit. Lalo na ngayong magpapasko ay higit na darami ang mga kawatan sa daan. Sa pagsapit kasi ng pasko ay dumarami ang nangangailangan ng pera. Wala namang masama ang mag-hangad ng salapi. Ang dapat lang ay galing ito sa tamang paraan. Hindi dapat ito galing sa nakaw!

Bagamat pinaalala ko na ingatan ng lahat ng may balak mamasyal sa Luneta ang kanilang mga gamit, hindi ito nangangahulugan na lahat ng tao sa Pinas ay kawatan. Marami pa rin ang tapat at pwedeng pagkatiwalaan. Nararapat alalahanin na ilang ulit ng nabalita ang maraming tapat na Pinoy ay nagbabalik ng mga bagay na kanilang napupulot. Kaya lang, kahit saang bansa mayroon talagang mga tao na nakakalimutan ang pag-gawa ng mabuti sa kanilang kapwa.

Maya maya pa ay narating ko rin ang UN avenue station ng LRT. Dito kami bumaba kasi ito ang istasyon ng LRT na malapit sa Luneta.  Papalubog na ang araw ng makarating kami dito. Nag-aagaw na ang liwanag at ang dilim. Balak na magpahinga ng haring araw. Sa pag-lakad pa lang namin sa hagdan ng LRT ay napansin ko kaagad ang maraming kalat sa kalye. Bakit kaya tayo ganito sa ating bansa, tapon tayo ng tapon ng basura kahit saan? Malinis naman tayong mga Pilipino pagdating sa ating sarili at bahay. Pero pagdating sa mga pampublikong lugar ay wala tayong paki kung saan tayo magtatapon ng basura. Sana ay tigilan na natin ang pagtatapon ng basura kung saan-saan!

Marahil ay kung napigilan lang natin na magtapon ng basura sa mga kalye at ilog ay darami ang mga turista na bibisita sa ating bansa.  Darami rin ang magkakaroon ng trabaho. Isipin na lang natin kung napanatili nating malinis ang ating mga ilog tulad ng Ilog Pasig, natitiyak ko na marami ang makikinabang dito. Kahit anong kampanya ng gobyerno na buhayin ang Ilog Pasig ay wala ring mangyayari kung hindi tayo makikipagtulungan sa pamahalaan. Nakakapanghinayang ang ating mga ilog na nasira lang dahil sa walang habas na pagtatapon ng mga basura.

Habang naglalakad kami patungo sa Rizal Park ay napansin ko ang napakaraming nagbebenta ng mga samut saring pagkain at ibat-ibang laruan. Talagang dito sa Pinas gagawin ang lahat makaraos lang kahit paano. Napansin ko rin ang ilang pamilya na nakatira na mismo sa kanilang mga kariton. Talagang nakakalungkot ang mukha ng kahirapan sa ating bayan. Minsan tinatanong ko sa aking sarili bakit ang mga bata na halos wala ng saplot ay pakalat-kalat sa daan? Delikado na palakad-lakad sila at para bang nakiki pag-patintero sa mga sasakyan. Bakit kaya naaatim ng mga magulang na pabayaan ang kanilang mga anak ng ganito. Naiisip ko tuloy minsan na kailangan na talaga ng batas para makontrol ang pag-lobo ng ating populasyon. Marami na rin ang nakakapuna na kung sino pa ang mahirap at di kaya ibigay ang nararapat ay iyon pa ang marami ang anak.

Isa pa sa napansin ko sa aming pag-lalakad ay may mga lugar na mapanghi. Bakit kaya ganito at para bang kung saan saan na lang umiihi. Naalala ko tuloy yung mga “urinals” ni Fernando. Siguro tama rin talaga na mag-lagay ng ganitong mga ihian sa pampublikong mga lugar. Dito sa Pinas ang dami kong nakikita na umiihi sa sa pader, sa may gilid ng gulong, sa may puno at kung saan pang mga sulok. Bumabaho at pumapanghi tuloy ang  maraming bahagi ng ating bayan. Totoo bang wala talaga tayong disiplina dito sa Pinas?

Ang unang bubungad pagdating sa Rizal Park kapag galing ka sa may LRT UN station ay ang napakalaking estatwa ni Lapu-Lapu. Nararapat kaya dito ilagay ang estatwa ni Lapu-Lapu? Teka, nadaanan din pala namin ang isang playground para sa mga bata. At dahil araw ng Linggo ngayon ay puno ang nasabing playground ng mga bata at magulang.  Nakakatuwang tingnan ang pamilya na magkakasama. May nakita nga akong bagong mag-asawa pa lang na hawak kamay pa habang ipinapasyal ang kanilang anak. Ito ang isang magandang pag-uugali natin dito sa Pinas – ang pagiging malapit ng ating pamilya.

Marami ring tao sa may estatwa ni Lapu-Lapu. Napapalibutan ng mga namamasyal ang lugar. Kahit saang sulok naman ng parke ay maraming tao. Bukod kasi sa  araw ng Linggo ay papalapit na ang Pasko. Ito kasing Luneta ay talagang pasyalan tuwing ganitong mga panahon. Mas mura din kasi mamasyal dito kumpara sa mga naglalakihang mall. Nakakapagtaka nga lang na kahit mahirap ang buhay dito sa Pilipinas parami-ng parami ang mga malls at hindi mahulugang karayom ang loob nito tuwing may “sale”.  Sabi nila mahirap daw ang buhay pinoy pero bakit ganito parang yung mga mga malls na lang ang padami ng padami. Kahit saang kanto nag-uusbungan na parang mga kabute ang mga malls! Parang pangkaraniwan na lang tuloy ang pumunta sa mga mall ngayon di gaya dati.

Dahil malapit na nga ang paglubog ng araw ay naging maingat ang aming pag-lalakad. Medyo may kadiliman pala dito sa may bahagi kung saan matatagpuan itong estawa ni Lapu-Lapu. Parang nakakatakot tuloy mag-lakad. Ang nakakapagpalakas lang ng loob ay marami namang tao. Pero kapag may ganitong kadiliman, aakbay lang ang holdaper sabay tutok ng patalim sa tagiliran ng biktima ay madali nya ng magagawa ang kanyang masamang balakin. Wala pa naman akong nakitang security guard o pulis na umiikot.  Patuloy na ingat na lang an gaming ginawa hanggang sa makatawid kami ng kalsada patungo dun sa may monumento ni Rizal.

Sa paglakad namin sa parkeng ito ay napansin ko na marami ang basurahan na nakapalibot. Ang mga taga-pamahala ng parke ay ginagawa ang lahat upang mapanatili ang kalinisan at kaayusan nito. Nararapat lang na lahat ay makiisa at iwasan ang pag-tapon basura kahit saan. Gamitin natin ang mga basurahan! Natutuwa naman ako at marami akong nakitang mga namamasyal na matiyagang nagtatapon ng kanilang mga kalat sa mga basurahan. Sa ganito ay masasabi kong may pag-asa pa tayong mga narito sa Pinas.  Sana ay ipag-patuloy natin ang ganitong magandang gawain.

Marahil kapag itinigil natin ang ating ugali na pagtatapon ng basura kung saan-saan ay maaring dumating ang panahon na pwede na tayong ikumpara sa mga bansang nakilala sa kalinisan tulad ng Singapore. Kapag naging malinis ang ating bansa at kanyang kapaligiran ay tiyak ko na darami ang ating mga turista. Basura kasi ang sumisira sa mga magagandang lugar natin dito sa Pinas. Pati sa ating nag-gagandahang mga “beach resorts” ay makakakita ng basura sa karagatan.  Tuwing nakakakita ako ng basura sa ating mga pook-pasyalan ay talagang nanghihinayang ako sa lugar. Nakakasira talaga ng tanawin!

Ang Manila Bay na kilala sa napakagandandang sunset ay sinira rin ng napakaraming basura na makikitang palutang-lutang sa pampang at ang amoy ng dagat ay talagang nakakasuka. Naalala ko noong araw ay may mga naliligo pa rito sa harap ng Cultural Center. Pero ngayon talagang hindi na kakayanin ang maligo dito.  Isipin natin na kung sana ay napanatiling malinis ang  baybayin na ito ay tiyak na napakarami ang magkakaroon ng pagkakakitaan. Hindi na kailangang bumiyahe pa sa Batangas, Subic at Puerto para lang makaligo sa isang malinis na dagat. Ang mga basura sana sa Manila Bay ay huwag umabot sa mga nag-gagandahang beaches ng ating bansa. Kaya hinihikayat ko lang lahat na makibahagi sa mga programa ng mga pribadong organisasyon at ating gobyerno sa pag-lilinis ng  Manila Bay.  Dahil napakalaki ng potensyal ng baybayin na ito higit na mabuti ang magkaroon ng isang konkreto at permanenteng solusyon sa polusyon sa Manila Bay.

Isa pa sa sana ay napakagandang pasyalan na malapit lang sa Metro Manila na sinira ng walang tigil na pagtatapon basura ay ang “Hinulugang Taktak Falls” sa Antipolo. Napakaganda ng lugar na ito kaya lang tambak ang basura na makikitang bumabagsak kasama ng pagtagatak ng tubig mula sa talon. Bakit kaya ganun, para lagi na lang natin pinababayaan ang magagandang lugar sa Pinas. Sabi ng isang sikat na awitin – hindi masama ang pag-unlad bastat hindi nakakasira ng kalikasan!

Nadaanan ko rin ang lumang gusali ng “Department of Tourism”.  Maganda ang gusali na ito. Marami nga akong nakita na kumukuha ng litrato gamit ang gusali na ito bilang background. Mayroon din mga naglalaro, tumatambay at nag-papahinga sa harap ng gusali. Sa unang tingin ko ay parang abandonado na ang gusali. Naisip ko lang na ang dahilan kung bakit walang tao  rito ay dahil nga na araw ng Linggo ngayon. Kung hindi ako nagkakamali, ang gusaling ito ay napunta na sa pangangalaga ng National Museum. Sana ay huwag mapabayaan ng tuluyan ang building na ito.

Dahil nga nalalapit na ang kapaskuhan ay mayroon ng mga “Tiangge” sa loob mismo ng Rizal Park. Ibat-ibang mga paninda ang ibinebenta rito. Karamihan ay mga pagkain. Sana lang ay panatilihing malinis ng mga nagtitinda ang pagkain na kanilang binebenta. Noong mauhaw kasi ako ay bumili ako ng bottled water at ng iabot sa amin ng tindera ay may pumatak sa nakabukas na panindang ulam. Malamig kasi iyong bottled water kayat may tubig na pumatak sa ibabaw ng ulam  ng iaabot nya ito sa amin.  Minsan kasi naiiwanang walang takip ang mga panindang ulam na nagiging dahilan upang madapuan ito ng mga nag-lipanang mga langaw at madumihan.  Ang mga nagbebenta ng pagkain ay dapat panatilihing malinis ang kanilang lugar.  Nakakadiri bumili at kumain kapag ang daming langaw na lipad ng lipad.

Habang namamasyal kami ay ay napansin ko ang mga “letratista”, iyong bang ang trabaho ay kumuha ng picture sa mga turista at iba pang namamasyal. May hawak-hawak silang camera na kanilang ipri-print kaagad ang larawang nakuha.  Noong bata pa ako at una akong namasyal sa Luneta ay nakita ko na ang ganitong uri ng hanapbuhay. Usong-uso ito noon. Sana nga nagpakuha kami ng litrato noong namasyal kami dito ng gf ko noong kaka-graduate ko pa lang ng high school. Sayang, wala tuloy akong naging remembrance! Wala kasi akong pera nun kaya kahit lumapit na sa aming dalawa ang letratista ay hindi kami nagpakuha ng litrato.

Nagulat nga ako ng makita ko na buhay pa pala ang ganitong uri ng trabaho. Hindi ko lang naitanong kung magkano ang bayad sa pagkuha ng litrato. Kumikita pa kaya sila ngayon? Sigurado ako na mahina na ang hanapbuhay na ito kumpara noong araw. Ngayon kasi halos lahat ng tao ay may sarili ng cellphone na may camera. Halos lahat na rin ay nag mamay-ari ng  camera na talagang malilinaw na ang kuha. Hindi na rin gaanong uso ang pag-papaprint ng pictures. Ngayon kasi ay dina-download na lang sa computer tulad ng Facebook ang mga nakuhang litrato.

Marami talaga ang taong namamasyal sa Rizal Park. May bata, matanda at nakakita rin ako ng mga taga-ibang bansa.  Hindi ko lang masigurado kung sila ay amerikano o aleman. Yung mga koreano sa dami nila dito sa Pinas normal na lang na makita silang kahalubilo ng mga Pinoy. Kapag narito ka sa Luneta ibat-ibang tao at mga karakter ang iyong makikita. Napansin ko nga ang ilang mga matatanda na nag-paalala sa akin sa ating mga lolo na nag-uusap na medyo malakas ang boses at tila mayroon silang pinagtatalunang paksa o isyu.

In fairness sa Management ng parke ay kitang-kita naman ang kanilang effort para mapaayos at mapaganda ang lugar. Nakita ko nga ang isang taga-linis ng parke na kahit lubog na ang araw ay patuloy pa rin ang pag-wawalis at malinis ang mga kalat at basura. Napansin ko rin na marami rin sa mga namamasyal ang matiyagang lumalakad patungo sa mga basurahan para itapon ang kanilang kalat. Ganito sana tayong lahat na mga Pilipino! Matuto tayong itapon ang ating mga kalat at basura ng tama!

Narito rin ang mga nagbebenta ng mga ginawang “banig” na  panlatag sa damuhan sa may Rizal Park. Nagmamadali kasi kami kaya hindi ko naitanong kung magkano ang presyo nito. Nakabili na ako nito dati noong namasyal ako sa parke na ito. Pero, matagal na iyon. Nagamit ko pa nga ang panlatag na ito noong namasyal kami sa beach sa Subic.  Ang Pinoy talaga maparaan makaraos lang! Itong banig na ito ay tinahi lang mula sa “recycled materials”. At dahil may praktikal na gamit ang banig na ito sa mga namamasyal na nais magpahinga o humiga sa damuhan ng Rizal Park naging mabili ito.

Mayroong bandang tumutugtog ng madaan kami malapit sa kilalang “Concert at the Park”.  Dinig na dinig ang pinatutugtog rito kasi ang lakas ng sounds. Nagulat nga ako kasi ang mga narinig kong kinakanta ng araw na ito ay mga pinoy rock songs.  Dati ang alam ko ang pinatutugtog rito ay mga makalumang awitin lang. Minsan kasi kapag naglilipat ako ng channel sa TV tuwing naghahanap ako ng maayos na mapapanuod ay natyetyempuhan ko itong “concert at the park”.  Minsan kapag nagkaroon ako ng pagkakataon ay susubukang kong makinig ng mga pinalalabas dito at iba pang performances. Kahit hindi na trip ng mga kabataan ang pinalalabas ay mabuti na rin ang ganito dahil napapangalagaan ang ating kultura bilang mga Pilipino.

Nakita ko rin na mayroon pang mga tao sa “Chess Plaza”. Bukas ang ilang ilaw pero dahil tapos na ang maghapon ay kakaunti na ang mga manlalaro ng chess o ahedres. Noong nasa kolehiyo pa ako at araw ng bakasyon ay pumapasyal din ako dito sa Chess Plaza para mag-laro.  Pustahan minsan ang labanan dito. Marami ritong mahilig talaga mag-laro ng chess.  Hindi ko tuloy maiwasang itanong sa aking sarili – sa Circle ba sa QC nabalik na ang Chess Plaza?

Bukod as mismong monumento ni Rizal, ang napansin ko kung saan maraming tao ang nakapalibot ay ang fountain area kung saan may makukulay na ilaw ang fountains. Sa pag-lubog ng araw ay lalong tumingkad ang kagandahan ng lugar na ito sa Rizal Park. Marami ang nagpapakuha ng litrato sa lugar. Ang iba ay naglatag ng kanilang biniling sapin at namahinga sa damuhan. Mayroong pamilya, magkaibigan, magkasintahan, magkasama o mag-ano lang na napiling mamahinga dito. Nakapalibot rin dito sa may fountain area ang mga rebulto ng ilang nating bayani.

Sandali lang namin sinilip ang momumento ni Rizal. Kaya lang dahil inabutan na nga kami ng pag-lubog ng araw ay nagdesisyon na kaming umuwi na. Kulang ang oras namin upang malibot itong parke at ito ay hindi dahil sa marami pa kaming pwedeng pasyalan. Gabi na kasi at baka mahirapan kaming sumakay sa LRT pabalik ng Roosevelt Station.  Binalak naming kumain sa mga kainan at tiagge na nakapalibot sa parke pero mas minabuti na lang naming kumain sa restaurant pag-dating namin sa Waltermart Mall.

Sa sandaling pagbisita namin sa Rizal Park ay naisip ko ang kahalagahan ng parkeng ito sa kasaysayan ng ating bansa. Kitang kita ko ang efforts ng ating pamahalaan na pagandahin ito at panatilihing maayos. Sana lahat tayo ay makipagtulungan sa ating gobyerno para hindi masira ang parke na ito. Dahil pagabi na nang kami ay dumating ay hindi kami nakakuha ng mga larawan. Kapag muli akong nagkaroon ng pagkakataong bisitahin ang lugar na ito ay kukuha ako ng mga pictures para ibahagi sa inyong lahat.

Advertisements
This entry was published on November 22, 2011 at 8:56 am. It’s filed under travel and tagged , . Bookmark the permalink. Follow any comments here with the RSS feed for this post.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

w

Connecting to %s

%d bloggers like this: