Muni-muni sa Disyembre 2011

Kamusta ang nakaraang pasko ninyo? Naging masaya ba kayo? Nakumpleto nyo ba ang simbang gabi? Noong sinalubong ninyo ang bagong taon hindi ba kayo naputukan?

Hindi ko talaga mawari ang aking damdamin bakit tuwing pasko ay nakadarama ako ng kalungkutan.Sabi nila – ang pasko raw ang pinakamasayang araw ng taon. Ito kasi ang ang kaarawan ng ating Panginoon! Sana ay hindi natin makalimutan na ito ang pangunahing dahilan kung bakit natin ipinagdiriwang ang petsang December 25.

Pero kahit napakarami pa ng mga palamuti, pagkain at masasayang awiting pamasko ay tila ba may kurot lagi sa puso ang okasyong ito. Hindi lubos ang kasiyahan at para bang lagi na lang may kulang. Para bang lagi na lang may hinahanap hanap na kulang sa ating buhay. Ang lamig ng simoy ng hangin ay wari bang nag-babadya ng pangungulila sa isang mahal sa buhay na nawalay. Lagi na lang na mi-miss ang isang taong wala na sa tabi.

Naalala mo pa ba ang pinakamasayang pasko sa iyong buhay? Siguro, ang pinakamasayang pasko talaga ay mararanasan lang kapag bata pa. Iyong musmos pa lang kung saan magkaroon lang ng bagong damit ay tuwang-tuwa na. Kapag bata pa kasi parang lahat ng bagay at karanasan ay bago at kakaiba. Ang makapamasyal lang sa mga simpleng pasyalan tulad ng Rizal Park at Intramuros ay nakakapag-pasaya na ng husto sa mga paslit. Naalala ko nga noong pasko at nasa elementarya pa lang ako ay tuwang-tuwa ako sa binigay sa akin ng ninong ko na isang daang piso na limang malulutong ng bente pesos. Parang milyonaryo na ang pakiramdam ko noon! Noong araw kasi ang P100.00 malayong-malayo na ang mararating. Marami na ang mabibiling pagkain at pwde na ring pambili ng pampormang damit. Pero sa ngayon, kapag P100.00 lang ang inabot sa inaanak ay talagang kuripot na ang tawag sa ninong. Bakit kaya ganito, papaunti at pababa ang halaga ng ating pera? Noon malaking bagay na ang makapulot ng piso. Ngayon parang wala na talagang halaga. Naalala nyo pa ba ang “mamera”? Iyong isang sentimo na si Lapu-lapu pa ang tao? Dati sa SM na lang ginagamit ito bilang panukli pati na iyong singko na may butas. Ang alam ko ang tao sa singko si Melchora Aquino at sa diyes ay si Francisco Baltazar. Tama ba? Noong huling nahawakan ko ang mga perang ito ay talagang wala na talagang halaga. Sa palagay ko kapag nahulog ito ay hindi na pag-tyatyagaang pulutin ng mga bata ngayon.

Naalala ko nga ang sinabi ng isang kaibigan ko na ang regalo daw sa bata dapat “daanin sa laki”. Mas makakatipid daw kung laruan ang ibibigay sa bata kaysa ang pera. Ang pera daw kasi sa magulang lang napupunta. Kahit mag-bigay ng isang libo sa bata ay hindi niya mararamdaman ang halaga nito. Hindi katulad ng laruan, kapag nakita ng bata na malaki ang kaniyang regalo at nakabalot ng maganda at makulay ay tuwang-tuwa na ang bata. Ang karaniwang laruan na nireregalo ay iyong mga kotse, manyika, at mga baril-barilan. Ang “stuff toy” ba maganda ring iregalo sa mga bata? Noong din bata pa ako ay gusto ko na laruan ang regalo na natatanggap ko. Pero okay na rin kung pera kasi naibibili ko ito ng bagong damit. Sa ngayon ang pinakamababang halaga na iregalo sa bata at hindi mabansagang kuripot ang ninong o ninang ay limandaang piso. Parang mahina na talaga ang isandaan. Kaya’t praktikal ang bumili na lang ng mga laruan at daanin na lang sa laki. Kapag nag-tiyaga kasing makipag-siksikan sa Divisoria ay marami ng laruan ang mabibili ang isang libo. Kaya lang mahirap naman dahil sa sobrang dami ng tao! Pero kung gusto talagang makatipid, di bale na ang makipagsiksikan. Ang mahalaga ay makapag-bigay ng aginaldo sa mga inaanak at sa mga mahal sa buhay. Minsan lang naman kasi dumating ang pasko. Yung mga may kaya at ayaw makipagsiksikan sa Divisoria, ay nag-pupunta na lang sa mga malls. Dito ay medyo maginhawa ang pamimili kasi “airconditioned”. Kahit may kaunting kamahalan ang mga laruang ibinibenta sa mga malls ay tinatangkilik pa rin ito ng maraming pinoy dahil nga konbenyente ang mamili rito. Minsan nga napapansin ko na hindi naman nalalayo ang presyo ng ibang laruan na ibinibenta rito kumpara duon sa Divisoria.

Tuwing nakikita ko ang napakaraming mga tao sa malls, tiangge at Divisoria na abalang namimili ay lagi kong naitatanong sa aking sarili kung totoo ba talagang naghihirap ang buhay ng mga tao dito sa Pilipinas? Napakarami ng mga sasakyan sa daan. Ang mga tao hindi mag-kandaugaga sa pamimili ng mga regalo. Ang mga restawran ay hindi nawawalan ng mga parokyano. Kapag ganito ang makikitang sitwasyon, hindi aakalaing nag-hihirap ang mga Pilipino. Siguro nasa kultura na nating mga pinoy ang walang patumanggang pag-gastos tuwing may okasyon kahit mabaon pa sa utang. Laging “bahala na ang bukas” basta ngayon masaya. Tuwing may bumabati ng “Merry Christmas” parang iba na ang dating at kahulugan. Para bang lagi na lang nanghihingi ng regalo. Hindi ba ipinagbawal dati ang pagbati ng “Merry Christmas sa mga airport natin? Tuwing bumabati kasi ng ganito sa mga balikbayan at foreigners ang mga tauhan sa airport ang dating ng mensahe ay pag-aabang ng lagay o anumang iaabot. Nakakalungkot nga kasi parang ang baba na talaga ng tingin sa ating mga Pilipino. Para bang lagi na lang tayong nanghihingi. Sana mabago na ang pananaw na ito ng mga taga-ibang bansa sa ating mga pinoy!

Kaya lang minsan marami rin kasi sa atin ang mapagsamantala. Naalala ko nga noong umuwi galing abroad ang isang kamag-anak ko at sumakay kami sa taxi na naka toka sa airport ay talagang malaki ang siningil sa amin. Sa madaling salita ay “taga” talaga! Ang masama pa ay nanghingi pa ng kahit ano raw na “imported” yung driver. Grabe talaga! Para bang ang tingin nila ay milyonaryo lahat ng galing abroad. Kayo ba may karanasan na ring ganito sa airport natin? Alam ko na napakahirap ng buhay sa ibang bansa. Marami na ang nag-kwento sa akin kung gaano kahirap ang kumayod para lang kumita sa ibang bayan. Kayat tigilan na sana natin ang ugaling manghingi! Ipakita natin na tayong mga Pilipino ay totoong masipag!

Sa isang mall na pinuntahan ko noong nakaraang pasko ang bati ng saleslady as akin ay “Happy Holidays” at hindi “Merry Christmas”. Sa palagay ko “happy holidays” ang tamang pagbati para hindi na nabibigyan ng ibang kulay ang kapaskuhan. Talaga kasing naging “commercialized” na ang Pasko dito sa Pinas. Parang hindi na kumpleto kung walang regalo. Yung saleslady na nakita ko talagang pagod na pagod sa dami ng tao. Paroot-parito siya sa dami ng mga namimili. Minsan napapagalitan pa siya ng ibang mga customer. Sana isipin naman ng mga namimili ang kalagayan ng isang saleslady. Igalang at irespeto natin sila! Hindi madali ang trabahong ito. Sana magkaroon ng mga batas na proprotekta sa kanilang mga karapatan. Mabuti nga dahil dito sa Pilipinas bata at magaganda ang ating mga saleslady!

Bakit kaya ganun ang pasko? Dapat masaya pero lagi na lang may kaakibat na lungkot. Ngunit ang higit na nakakalungkot, bukod sa gulo sa pulitika, ay ang pag-salanta ng bagyong “sendong” sa ating mga kababayan sa sa Cagayan de Oro, Iligan at iba pang karatig na lugar kung kelan nalalapit na ang kapaskuhan. Sa nakita ko sa TV ay talagang nakakapanlumo ang sinapit ng ating mga kababayan sa mga lugar na ito. Ilang libong buhay na ang nasawi at napakarami pa sa ating mga kababayan ang nawawala! Napakarami ring mga ari-arian ang nasira. Ang mga imprastraktura na nawasak sa lugar ay milyon na ang halaga. Sana ay makabangon ang ating mga kababayan sa lugar na iyon sa taong ito. Lubos talaga ang aking pasasalamat sa lahat ng mga nagbigay ng tulong sa mga nasalanta nating mga kababayan! Nararapat ring pasalamatan ang pakikiramay at pagtulong sa atin ng ibang bansa. Sana lang ay tiyakin na lahat ng tulong na ito ay makakarating sa mga nasalanta. Huwag na sana itong pag-interesan ng mga tiwali ang mga donasyong ito! Isa sa magandang ugali nating mga Pilipino ay pagtutulungan sa panahon na pangangailangan. Sana huwag mawala ang “bayanihan” sa atin dito sa Pinas. Patuloy tayong tumulong sa mga nangangailangan sa abot ng ating makakaya!

Tuwing may ganitong mga pangyayari ay nagbibigay ng pag-asa sa mga nasalanta ang mga bigay na tulong. Bukod sa hatid na materyal na bagay, ang pagpapaabot ng tulong ay pagbibigay na rin ng mensahe ng pag-asa. Ang mawalan ng mga mahal sa buhay kasabay ng pagkasira ng mga pinag-ipunang mga ari-arian ay napakatinding kalungkutan ang resulta. Nagdudulot pa raw ng na depresyon ang ganitong sitwasyon. Kaya’t nararapat lang na patuloy nating bigyan ng pag-asa ang mga kababayan nating dumanas ng mga kalamidad. Patuloy tayong magbigay ng ating makakaya hanggang makaahon sila sa hirap na kanilang dinaranas. Nagsimula na nga ang mga pagtuturuan kung sino ang may kasalanan sa nangyaring trahedya. Ibat-ibang dahilan na ang mga naglabasan kung bakit nangyari ang mabilis na pagtaas ng tubig sa lugar. Nagsisisihan na rin ang ibat-ibang panig at lumabas na ang mga kakulangan kung bakit nangyari ang ganitong trahedya. Bukod siguro sa ibang mga dahilan ay dapat isipin na natin ang pagkasira ng ating mga kagubatan. Sa dami ng mga inanod na troso ay hindi maipagkakailang isa ito sa mga dahilan kung bakit nagkakaroon ng madalas na pagbaha at pag-guho ng lupa. Naalala ko tuloy ang dokumentaryo ng GMA 7 na may pamagat na “Oras Na”. Sana isipin na natin ang seryosong at epektibong pangangalaga sa ating mga kagubatan at iba pang likas-yaman!

Dahil nga sa dami ng mga natagpuang bangkay sa dagat marami ang hindi bumibili ngayon ng isda. Kahit bumagsak na ang presyo ng isda ay marami pa rin ang hindi bumibili. Nangangamba kasi ang mga namimili na nakain ng mga isdang ito ang ilang bangkay na nakitang palutang-lutang sa dagat. Kung sabagay talagang nakakarimarim rin ikonsumo ang isdang nakatikim ng bangkay na inanod sa dagat. Sana mag-palabas ng opisyal ng pahayag ang ating gobyerno tungkol sa isyung ito. Nakakaawa rin ang lagay ng ating mga mangingisda at iba pang nabubuhay sa pagtitinda ng mga isda.

Noong nakaraang Disyembre, ang dami talagang nangyari sa bahagi pulitika sa ating bansa. Nariyan ang pag-aresto sa dating Pangulo. Ang pagsuko at pagkakulong ng Chairman ng Comelec at ang pagka-impeach ng Punong Mahistrado ng Korte Suprema. Ganuon ba iyon? Kapag nagkampihan na pala ang ating mga mambabatas ay madali na matanggal sa pwesto ang isang mahistrado ng Korte Suprema. Sana ay mabigyan ng patas na pag-lilitis ang ating Punong Mahistrado at anumang desisyon ay nararapat na base lamang sa ebidensya.  Lagi sanang isaisip na ang isang Korte Suprema na “independent” at may integridad ang sandigan ng ating demokrasya.

May isang batang artista pa ang tamapos sa kanyang sariling buhay ilang araw bago mag-bagong taon. Marami nga ang nagtatanong kung bakit niya ito nagawa? Minsan kasi ang depresyon nauuwi sa pagkitil sa sariling buhay. Naalala ko tuloy ang dating pinuno ng ating hukbong sandatahan na tinapos rin ang kaniyang buhay habang iniimbestigahan siya ng Senado. Sa lahat ng ating mga kababayan na nalulungkot at dumaranas rin ng depresyon  ay magkaroon sana sila ng lakas ng loob at kasihan sila ng ating Panginoon. Lumapit lang kayo sa Diyos at walang problema o pagsubok na hindi kayang lutasin sa  tulong Niya!

Ayon sa balita may namatay at marami na naman ang nasugatan sa pagsalubong sa Bagong Taon. Kahit may kampanya na ang DOH ay marami pa rin ang nag-paputok. Hindi na talaga mawawala sa ating mga pinoy ang kaugalian ng pag-papaputok tuwing magpapalit ng taon. Ang paniniwala kasi dito sa Pinas ay ang pag-papaputok ay para bugawin ang mga masasamang espiritu. Ang tanong lang ay kung sa kalye magpaputok, hindi kaya mabugaw ang masasamang espirito at pumasok sila sa mga bahay? Kaya’t sa palagay ko ay hindi totoo ang ang paniniwalang ito. Higit sigurong magiging maganda ang taon para sa ating mga Pilipino kung sasalubungin natin ito tahimik at mapayapa.  Bakit kaya hindi natin ito subukan? Siguro kapag sinalubong natin ang Bagong Taon ng mapayapa at tahimik ay maiiwasan natin ang napaka-gulong buhay.

Huwag na lang tayo magpaputok para maiwasan ang disgrasya at gastos! Ngunit ang sabi naman ng iba ay bitin daw ang selebrasyon ng Bagong Taon kung walang paputok. Pero sa aking palagay ay para sa ikabubuti ng higit na nakararami ang pagbabawal na sa mga paputok tuwing sasapit ang Bagong Taon. Kahit iyong mga hindi nagpapaputok ay nadaramay sa kagagawan ng iba. Bukod sa mga paputok ay nararapat ring higpitan ng ating mga kinauukulan ang pagpapaputok ng baril tuwing sasapit ang Bagong Taon. Kahit kitang- kita naman ang pag-nananais ng kapulisan na busalan ang kanilang mga baril ay marami pa rin ang nagiging biktima ng mga ligaw na bala. Nakakalungkot nga ang balita na isang batang pitong taong gulang ang namatay dahil tinamaan siya ng ligaw ng bala noong selebrasyon ng Bagong Taon. Sana ay makonsensiya ang taong may gawa nito. Kaya lang napakahirap tukuyin ang may kagagawan kung sino ang nakabaril. Marami kasi ang mga baril na hindi rehistrado at nasa kamay ng mga walang malasakit nating kababayan. Sa palagay ko ay tama lang ang panukalang i-suspendi ang lahat ng “permit to carry” ng mga baril tuwing sasapit ang Bagong Taon.

Ganito naman talaga sa Pinas tuwing Bagong Taon. Paulit- ulit lang lagi ang paalala ng gobyerno na huwag ng magpaputok. Kaya lang kahit ilang ulit ang panawagan ng pamahalaan na huwag magpaputok ay wala ring nangyayari. Hindi pa rin mapigilan ang pinoy na magpaputok. Mula sa illegal na mga paputok tulad “piccolo” at “goodbye Philippines” hanggang sa pangkaraniwan gawa ng rebentador at mga kwitas ay bumibili ang mga Pilipino. Pero sa tingin ko dahil na rin siguro sa hirap ng buhay ay nabawasan na rin ang mga bumibili nito. Ang hirap pagtrabahuhan ang pera pagkatapos ay ibibili lang ng mga paputok. Kahit paano ay nakakapanghinayang rin.

Ilang araw bago ang Bagong Taon ay mabili ang mga prutas na hugis bilog. Ang paniniwala kasi ay nagdadala raw ito ng swerte. Ang mga bilog na prutas raw ay sumisimbolo ng pera. Kung sabagay wala namang masama ang sumunod sa mga pamahiin. Ang dapat lang natin tandaan ay higit pa ring makapangyarihan ang pagdarasal sa ating Panginoon. Lagi nating isipin ang napakaraming biyayang ibinigay Nya sa atin at patuloy natin Siyang pasalamatan. Para umunlad ang ating buhay ay samahan din natin ng sipag at tiyaga. Huwag tayong mawalan ng pag-asa sa buhay. Ganyan talaga ang buhay, minsan nasa ilalim at minsan naman ay nasa ibabaw. Paikot-ikot lang ang buhay. Ang kailangan lang ay patuloy na kumilos para umunlad ang buhay. Laging ipag-patuloy ang pakikibaka. Laging maging positibo at isipin na ang Diyos ay laging nasa ating tabi at kahit kailan ay hindi Niya tayo iiwan.

Ito sanang 2012 ay maging mapayapa at masagana sa ating lahat!

Advertisements
This entry was published on January 5, 2012 at 10:33 am. It’s filed under Uncategorized and tagged , . Bookmark the permalink. Follow any comments here with the RSS feed for this post.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: