Jose Rizal at mga Kabataan

Marahil ay walang Pilipino ang hindi nakakakilala kay Jose Rizal.  Maging matanda o bata man basta’t nagkaroon na ng kamalayan ay kilala si Rizal.  Siguro depende lang kung gaano kakilala sya ng bawat Pilipino. Ang ating mga kabataan ngayon, gaano kaya nila kakilala si Rizal?

Marahil ang iba ay alam ang bawat yugto ng kaniyang buhay samantalang ang iba naman ay narinig lang ang kaniyang pangalan. Yung iba naman ay limitado lang ang alam tungkol kay Rizal kundi ang “siya ang ating Pambansang Bayani”.  Ang iba naman ay nabasa lang ang kaniyang pangalan sa kalye, parke, kaha ng posporo, punerarya, iba pa.  Pero mayroon ring akong mga kilalang personalidad at mga kabataan na halos ang kanilang buong buhay ay inialay sa pag-aaral ng buhay ni Rizal.

Pero sino ba naman ang hindi makakakilala kay Rizal? Halos lahat na yata ng bagay ay ipinangalan na kaniya mula sa isang palaka at kulisap hanggang sa malaking probinsya dito sa Pilipinas.  Ang pangalan nya ay makikita kahit saang sulok at  pati ang kanyang mga monumento ay nagkalat sa Pinas pati na sa ibat-ibang bansa. Napakaraming mga libro, kwento, sanaysay at ibat-iba pang mga panulat ang nalathala tungkol sa kanya. Ang kaniyang buhay ay isina-pelikula ng ilang ulit. Sa tingin ko ang pinakamagandang pelikula  na halaw sa buhay ni Rizal ay iyong ginampanan ni Cesar Montano. Sana dumami pa ang ganitong mga pelikula na talagang makatotohanan ang pag-kakasalarawan sa buhay niya.

Si Rizal ay 35 na taong gulang lamang noong siya binaril sa Luneta noong 30 December 1896! Talagang napakabata pa niya noong namatay . Kaya’t dito ay masasabi na idolo si Rizal ng mga kabataan. Sa mga nabasa ko sa kaniyang buhay ay talagang nakakamangha at kahanga-hanga ang kaniyang mga nagawa.  Naisip ko nga na kahit hindi pa uso noon ang pag-sakay sa eroplano at barko lang ang ginagamit sa paglalakbay ay napakaraming bansa ang kaniyang napuntahan gaya ng Hongkong, Espanya, Europe, England, Japan at Amerika.  Ngayon sa hirap ng buhay dito sa Pinas, napakagastos na ang mangibang bansa. Siguro sa ngayon mararating lang ang ganito karaming lugar sa labas ng Pilipinas kung nagtratrabaho bilang marino. Iyong talagang mayayaman na lang at mga artista marahil ang maaring mag “around the world”.  Noong nabroken-hearted nga lang si KC na anak ni Sharon ay sa Europe agad pumunta.  Mabuti pa siya!  Ang karaniwan na kasi sa ngayon ay kapag nag-abroad ay para magtrabaho bilang OFW. Dahil sa hirap talaga ng buhay dito sa Pilipinas kahit ang ating mga guro ay naiisipan na magtrabaho sa gitnang silangan at ibang bansa upang maiahon lang sa hirap ang mga mahal sa buhay.

Marami akong nakakausap na nawawalan na ng pag-asa dito sa ating bayan. Pahirapan na nga ang paghahanap ng trabaho at maliit pa ang sweldo.  Iyong mga kakilala ko na pinalad makatapak sa Amerika ay nakakapunta sa Universal Studios, San Diego Zoo, nakakapag-skate boarding sa Lake Tahoe at nakakabili ng magagarang mga sasakyan. Dito sa Pinas, pangarap na lang magka-kotse para sa pangkaraniwang empleyado. Sa madaling salita, sa tate raw ay nakikita ang mga pinaghirapan, hindi gaya rito sa Pinas na ang sahod ay para bang dumaraan lang sa palad.

Napanood ko nga sa TV na ang mga palaboy o iyun bang “homeless” na pinoy sa Amerika ay tumatanggap ng anim na raang dolyar mula sa  gobyerno. Nasabi ko tuloy na para bang sinayang ng mga taong ito ang pagkakataong nasa Amerika na sila! Sana ang mga palaboy na iyon ay nagsipag at nagsikap at hindi sinayang ang pagkakataon na nakarating na sila sa Amerika. Sana naisip nila na pangarap ng maraming Pinoy ang makarating sa bansang iyun. Maswerte nga sila dahil dito sa Pinas ang mga palaboy talagang nanlilimahid at walang makain! Kaya’t marami talaga sa ating mga kababayan ang nangangarap na makapunta sa Amerika.

Pero bakit ganun? Ang iba ko namang kamag-anak na naninirahan na sa Amerika ay nag-sasabing mahirap din daw ang buhay doon. Malaki lang daw ang halaga ng dolyar kung dito sa Pinas gagastusin pero kung duon din ay wala rin. Baun ka rin daw sa utang sa Amerika at wala kang dapat gawin kung di ang kumayod ng husto para mabayaran ang iyong mga utang. Isa pa, marami sa mga kamag-anak ko na kapag tumanda na ay ninanais talagang dito sa Pinas mag-retiro. May kilala nga rin ako na kahit pwede na siyang mag-imigrate sa states ay pinili niya pa ang magtrabaho rito at manirahan sa ating bansa.

Marahil ay depende na lang siguro sa tao yan. Dapat maging masaya at mag-pasalamat sa ano mang bagay na ibinigay sa atin ng Panginoon. Huwag ipilit kung hindi talaga para sa iyo ang tinatawag na “American dream”. Kaya’t palagay ko na hindi tama na maging isang nurse kung hindi naman ito ang sinasabi ng  puso at hindi naman  talaga ito ang nais na propesyon.  Minsan kasi marami ang gusto na maging nurse para ito ay gawing tiket upang makapunta ng Amerika at ibang bansa. Kung sabagay, wala namang masama rito. Ang nararapat na lang ay ating suportahan kung saan masaya ang ating kababayan.  Tulungan nating matupad ang pangarap ng bawat isa.

Bukod sa napakaraming naging propesyon at karakter ni Rizal gaya ng pagiging isang doktor, manunulat at pintor, siya din ay isang manlalaro ng ahedres o chess.  Si Rizal ay isa ding chessplayer! Tuwing may bakanteng oras ay nakikipaglaro si Rizal ng chess sa mga kapwa niya pinoy at sa mga taga-ibang bansa. Sa paglalaro ng chess ay nahahasa kasi ang utak. Sana nga lang ay  naisulat ni Rizal ang kanyang mga “moves”. Sa ganitong paraan kasi ay malalaman kung si Rizal ay isang mahusay na manlalaro ng ahedres. Pero sa aking palagay siya ay isang magaling na manlalaro ng chess. Sabi nga nila ang chess ay laro ng mga may utak. Kaya’t sa aking palagay si Rizal ay magaling na manlalaro ng chess sapagkat tinuturing natin na siya ay isang henyo.  Kayat nararapat lang mayroong “Chess Plaza” sa Luneta. Sa Circle daw sa Quezon Memorial Circle ay naibalik na ang Chess Plaza at ito ay nalipat  malapit sa building ng Admin at basketball court. May mga naliligaw pa rin daw na mga players na inaabot ng gabi sa pag-lalaro dito. Sana lang ay bigyang pansin  ng lokal ng gobyerno ng QC ang pagkakaroon ng maayos na pag-lalaruan ng chess sa Circle.

Noong mag-aaral pa lang si Rizal ay napuna niya na tayong mga Pilipino ay higit na pinahahalagahan ang kinabibilangan nating rehiyon tulad ng ating pagiging Ilokano, Bisaya, Bikolano o Kapampangan. Sa pananaw ni Rizal ay hindi ito nakabubuti sa ating bansa. Ang kailangan ay magkaisa at pagbuklurin ang lahat! Kahit saang rehiyon man nabibilang, lahat tayo ay mga Pilipino sa ilalim ng isang bansang Pilipinas. Ito ang dahilan kung bakit itinatag ni Rizal ang “El Companerismo” noong siya ay mag-aaral pa lamang.  Si Rizal daw ay 19 pa lamang noon. Ang isa sa mga layunin ng sekretong organisasyon ito ay linangin ang pagmamahal sa ating bansa sa pamamagitan ng edukasyon.

Nararapat talaga na ang nga Pilipino ay mahalin ang bansang kanilang pinang-galingan. Iisa lang ang Pilipinas! Kahit saang panig ng mundo pa man tayo mapadpad ay Pilipino pa rin tayo. Hindi natin ito maipagkakaila at maitatanggi. Marami nga akong kamag-anak na nasa ibang bansa ang laging sinasabi na kung hindi lang talaga dahil sa  pera ay mananatili sila rito sa ating bansa.  Sa totoo lang naman talaga ay marami sa ating mga kababayan ang nais nang bumalik dito sa Pinas  kung mayroon lang magandang kabuhayan dito.

Noon pa man ay naniniwala na si Rizal na ang ating mga kabataan ang siyang pag-asa ng ating bayan. Walang bahid ng pag-aalinlangan ang paniniwawala ni Rizal sa kakayahan at talino ng ating mga kabataan. Naalala nyo pa ba ang mga katagang ito na isinulat ni Rizal?-

“Where are the youth who will consecrate their golden hours, their illusions, and their enthusiasm to the welfare of their native land? Where are the youth who will generously pour out their blood to wash away so much shame, so much crime, so much abomination?… Where are you, youth, who will embody in yourselves the vigor of life that has felt our veins, the purity of ideas that has been contaminated in our brains, the fire of enthusiasm that has been quenched in our hearts.”

Sana ang mga kabataan ngayon ay laging isaisip ang mga isinulat na ito ni Rizal.  Pero nararapat rin na bigyan ng mga nasa puwesto ang ating mga kabataan ng pagkakataon at oportunidad na maka-pagtrabaho at makapag-silbi sa ating bansa. Dito kasi sa Pinas kaunti lang ang pwedeng pasukang trabaho. Kayat marami sa ating mga kabataan ang makikitang nakatambay lang kung saan. Kahit  ang mga nakapagtapos nga sa mga kolehiyo ay talagang hirap na hirap makahanap ng trabaho. Marami sa ating mga kabataan ang nakahandang magsilbi sa  para sa ating bayan! Ang kailangan lang ay ang mabigyan sila ng tamang pagkakataon!

Kung buhay kaya si Rizal ngayon ano kaya ang kaniyang maipapayo sa ating gobyerno para matulungan ang ating mga kabataan? Aayon kaya siya na dagdagan ang taon ng pag-aaral sa hayskul? Ang panukalang gawing hanggang Grade 7 ang hayskul ba ay makakatulong na itaas ang antas ng edukasyon sa Pinas? Sa palagay ko ay hindi naman sa dami ng taon ng pag-aaral ang kailangan para maitaas ang mababang kalidad ng edukasyon dito sa ating bansa. Ang kailangan siguro ay bigyan muna ng kaukulang pansin ang kakulangan sa mga gamit sa eskwelahan pati na ang mababang sahod ng mga guro.  Paano naman ganap na makapagbibigay ng atensyon ang isang estudyante kung mismong upuan lang ay wala.  Sa maraming paaralan rito sa Pilipinas ang mga estudyante ay sa lapag na lang nauupo tuwing may klase dahil sa kawalan ng maayos  na upuan. Ang mga libro naman ay kulang at marami ang sira-sira na talaga. At paano naman makakapagturo ng maayos ang ating mga guro kung ang sweldo nila ay kapos sa kanilang mga pangangailangan sa araw-araw? Ngayon ba may mga guro pa ring nagtitinda ang kung ano-ano habang sila ay nagtuturo sa mga klase?

Sa batang edad kasi ni Rizal ay inialay nya ang kaniyang buong buhay para sa ating bansa. Para ngang nabuhay si Rizal ng napakahabang panahon sa dami ng kaniyang mga nagawa. Minsan nga ang hirap paniwalaan na 35 pa lang si Rizal noong namatay.  Tuwing tinitingnan ko nga ang larawan ng pag-baril sa kanya sa Luneta ay parang isang bata lang na nakatalikod ang babarilin ng mga kastila. Sayang nga kasi ang larawan ay mayroong kalabuan. Hindi makita ang mga detalye.  Sana lang may kuha ng “close-up” kung saan kita ang ekspresyon ng mukha ni  Rizal habang siya ay nakatalikod at hinihintay niya ang pag-putok ng baril. Sabi ng ating kasaysayan ay naging matapang raw ang pagharap ni Rizal sa kaniyang kamatayan.  Hindi raw siya kinakitaan ng takot at kaba.

Ang mga kabataan kaya ngayon nakahanda pa ring ibuwis ang kanilang buhay para sa ating bansa? Nakakalungkot ngang isipin na marami sa ating mga kabataan ang para bang nasasayang lang ang buhay. Marami ang nalululong sa masasamang bisyo at mga gawain. Ang kahanga-hanga kay Rizal ay hindi niya sinayang ang bawat sandali ng kaniyang kabataan. Ginugol nya ang bawat segundo ng kaniyang buhay sa mga bagay na mayroong halaga.  Talagang disiplinado si Rizal at lagi siyang nag-iisip kung ano ang mga mahahalagang  bagay na maaring gawin sa kaniyang oras.  Ito marahil ang dapat ang gayahin ng ating mga kabataan.  Nararapat pahalagahan ang bawat oras na dumaraan sa ating buhay. Ang bawat minuto na lumilipas ay hindi na maaari pang ibalik. Kayat ang mga kabataan ay hindi dapat  inuubos ang oras sa pag-lalaro ng computer games. Pahalagahan  ang bawat oras!

Sana sa ating mga kabataan ay hindi mawala ang ideyalismo at pagmamahal sa ating bayan. Kapag nanunuod ako ng sine at nakikita ko na may mga kabataang hindi na tumatayo tuwing inaawit ang Lupang Hinirang, naaalala ko si Rizal at ang iba pa nating mga bayani. Naiisip ko ang kanilang paghihirap para sa ating kalayaan. Sana mabago na ang pag-uugaling ito. Kahit sa ganitong pag-kakataon lang ay ipakita natin ang pagmamahal sa ating bansa.

Advertisements
This entry was published on January 19, 2012 at 3:57 pm. It’s filed under Uncategorized and tagged . Bookmark the permalink. Follow any comments here with the RSS feed for this post.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: