Ang Pinakamakabuluhang Batas sa Pilipinas

Kahit ganito kaliit ang ating bansa ay napakarami ng ating mga batas, ordinansa at mga regulasyon.  Minsan nga sa sobrang dami ng ating mga batas ay nagiging masalimuot  at ibat-iba na ang nagiging interpretasyon. Minsan tuloy ang ating mga batas ay para bang salungat na sa isat-isa.  Ang ibang mga batas naman ay  komplikado at napakahirap intindihan. Hindi na malaman ng masa kung ano ang nararapat sundin.

Dito sa Pilipinas ang kailangan natin sa aking payak na pananaw ay tamang pagpapatupad ng mga batas! Ang higit na kailangan ay ang tamang implementasyon ng mga batas para tayo umunlad.  Kapuna-puna kasi na kahit ang simpleng ordinansa na “bawal umihi sa pader” ay hindi sinusunod. Iyun din batas na nagbabawal sa pagkakalat sa pampublikong lugar ay basta-basta na lang nilalabag. Napansin ko kasi na kung saan may nakasulat na “bawal umihi sa pader” ay duon sobrang panghi! Kung saan bawal magtapon basura ay duon naman nagtambakan ang mga basura! Ganito ba talaga tayong mga Pilipino?

Sa may EDSA daw ang nakasulat ay “Bawal Tumawid. Nakamamatay!”  Dahil panay pa rin ang tawid ng mga tao kahit may babala ng ganito ay pinalitan ito ng “Bawal Tumawid. May Namatay na rito!” At dahil hindi pa rin ito sinusunod ay ang ilalagay na raw na babala ng gobyerno ay “Bawal Tumawid. Ang Tumawid Papatayin!” Ang ibig ko lang sabihin ay kung itong mga simpleng batas o regulasyon na ito ay hindi sinusunod paano pa ang mga komplikadong batas dito sa Pinas?

Minsan nga may nagsabi na ang mga batas raw rito sa Pinas ay depende lang sa kung sino ang nakaupo. Marami raw batas sa atin ang wala ng kabuluhan o iyun bang nakasulat lang sa tubig. Iyong “negotiable instruments law” ba buhay pa?  Mayroon nga akong narinig na komento na dito raw as ating bansa, ang mga batas raw natin ay higit na pabor sa mga kawatan kaysa sa mga napagsamantalahan. Sa inyong palagay totoo kaya ito?  Ober na raw ang “due process” lalo na sa mga kasong kriminal.  Isa pa ang tagal at sobrang mabagal ang usad ng mga kaso. Masyado ring magastos ang ipaglaban ang karapatan at ang humanap ng hustisya!

Tama nga na sa Pinas ay hindi maraming batas ang kailangan kundi ang tama at seryosong implementasyon!  Kapag ang batas kasi ay hindi naipatutupad ng maayos at tama nagreresulta lang ito sa diskriminasyon. Dapat walang nakakalusot.  Kailangang sa mata ng batas lahat ay pantay-pantay! Mahirap man o mayaman. Sa nakikita ngayon sa ating bansa ay kahit paano’y ipinatutupad ang pangil ng ating batas. Ang dating matataas na opisyal ng gobyerno ay na-aaresto. Yun nga lang, hindi pa rin sila nakikitang humihimas ng malamig na rehas sa kulungan. Kung sabagay ang sabi nila ay respeto na lang daw iyun sa dati nilang naging posisyon sa gobyerno. Sang-ayon ba kayo sa ganuong pananaw?

Sa totoo lang masalimuot ang pag-gawa ng mga batas dito sa Pilipinas. Mahabang debate ang nangyayari sa Kongreso at Senado bago makapasa ang isang panukalang batas. Kailangan ding pirmahan ng Pangulo ng ating bansa ang panukala upang ito ay maging ganap na batas.  Karaniwan pagkalipas ng labinglimang araw ng pagkalathala sa mga pahayagan saka ito nagkakaroon ng bisa.  Sa sobrang dami nga lang ng mga batas na ipinapasa mayroon pa bang nag-aaral kung mga ito ay hindi na salungat sa isat-isa?

Ang pag-papatupad ng mga batas ay nakaatang sa balikat ng ekuhutibo. Ang mga  batas ay nararapat ipatupad ng lahat ng sangay nito lalo ng mga pulis. May tiwala pa ba kayo sa mga pulis natin? Kung sabagay hindi naman lahat ng mga pulis ay ganun. Dapat talaga ay patuloy na linisin ng pamunuan ng ating kapulisan ang kanilang hanay.  Huwag nilang hayaan na masira ng iilan lang nilang kabaro ang kanilang imahe.

Ang tamang interpretasyon ng ating mga batas ay trabaho ng ating mga huwes. Sila ang dapat magbigay ng tamang interpretasyon sa ating mga batas. At kung mayroong para bang salungat sa isat-isa ang korte rin ang dapat magsabi kung aling batas ang nararapat sundin. Ang ating mga hukom rin ang maaring magsabi kung ang isang batas ay dapat ipawalang bisa dahil ito ay hindi tama o hindi naaayon sa ating saligang batas.

Pero sa  dami ng mga batas na umiiral rito sa atin, ano kaya ang masasabing may pinakamakabuluhan?

Para sa akin ang pinakamakabuluhang batas dito sa Pilipinas ay “Republic Act No. 1425” o mas kilala sa tawag na “Rizal Law”.  Ito ang batas na nagsasabing dapat isama sa pag-aaral ng lahat ng paaralan, kolehiyo at unibersidad ang buhay, gawa at mga sinulat ni Jose Rizal tulad ng Noli Me Tangere at El Filibusterismo. Ang sabi ng batas na ito –

“Section 1. Course on the life, works and writings of Jose Rizal, particularly his novel Noli me Tangere and El Filibusterismo, shall be included in the curricula of all schools, colleges and universities, public or private: Provided that in the collegiate courses, the original or unexpurgated editions of the Noli Me Tangere and El Filibusterismo of their English translation shall be used as basic texts.”

Ito na siguro ang pinaka-maysaysay at makabuluhang batas na nagmula sa ating kongreso! Kung sabagay noong araw kasi ay matatalino at makabayan talaga ang ating mga mambabatas lalong-lalo na si Ginoong Claro M. Recto. Kung hindi dahil sa kanya ay hindi tayo magkakaroon ng Rizal Law.

Pero hindi naging madali ang pagpasa ng batas na ito. Naging kontrobersyal din ang panukala at umani ng ibat-ibang mga pananaw mula sa magkakaibang sektor ng lipunan. Mariin ang naging pag-tutol ng Simbahang Katoliko at ibat-ibang mga grupo sa gusto ni Recto na isama sa pag-aaral ang buhay ni Rizal pati na ang pagbabasa ng Noli at Fili. Ang sabi ng mga kontrabida noon ay laban daw ito sa  kalayaan ng pagsamba at ng konsensya. May nagsabi pa nga na maari raw madiskaril ang “kaligtasan ng kaluluwa” kapag ipinilit ang pag-babasa ng mga nobela ni Rizal. Mayroon kasing pananaw na si Rizal ay laban sa itinuturo ng simbahan. Magkakaroon din raw ng masamang epekto sa mga estudyanteng katoliko ang panukala ni Recto. Sabi pa ng mga eskwelahang kontra sa panukala ay mapipilitan raw silang magsara kapag masusunod ang nais niya. Para nga talagang “RH Bill” at iyung sa panukalang magkaroon ng “divorce” dito sa Pilipinas ang naging balitaktakan at debate! Ikaw? Pabor ka ba sa RH Bill pati na ang pagkakaroon ng diborsyo dito sa Pinas?

Mabuti na lang at ipinaglaban ni Recto ang kaniyang panukala kahit tinawag siyang komunista at “anti-catholic”! Ito ang ehemplo ng isang taong may paninindigan at hindi nakikinig sa mga sabi-sabi. Sana magkaroon uli ang ating bansa ng tulad niya! Salamat rin sa dating Alkalde ng Maynila na si Arsenio Lacson at sinuportahan niya ang pag-susulong ng batas na ito!  Ang ating kasaysayan ang nagpatunay na ang mga pangamba ng Simbahang Katoliko pati na ang ibang grupong kumontra noon ay walang basehan at produkto lamang ng kanilang imahinasyon.

Noong inaprubahan ang batas na ito noong 12 ng Enero 1956 ay isinimento ang kahalagahan ng pag-aaral tungkol sa buhay na ating pambansang bayani. Ang kaniyang mga ginawa para sa ating bayan ay malalaman ng lahat at paulit-ulit na maaalala. Sa madaling salita, ang buhay at mga ginawa ni Rizal ay hindi mababaon sa limot! Ang ating mga kabataan ay makikilala si Rizal ng lubusan.

Kapag pinag-aralan ang buhay ni Rizal ay magkakaroon rin ng ideya ang ating mga estudyante kung paano ang buhay sa Pinas noong panahon ng mga kastila. Malalaman nila na napakahirap mabuhay sa isang bansang nasa ilalim ng pamununo ng mga mananakop. Dahil dito ay papahalagahan nila ang ating kalayaan at lalong mamahalin ang ating bayan!

Naalala ko noong bata pa ako ay mayroon akong binasang bersyon ng Noli na makapal at may mga salita pang kastila. May mga larawan pa nga ito ng bahay ni Kapitan Tiyago at ng iba pang mga kabanata.  Ang nanay ko kasi ay dating guro ng kasaysayan sa hayskul kayat maswerte akong nakahawak ng kopya ng Noli. Nasa elementarya pa ata ako noon nang una akong mabasa ang librong ito.  Sa una pa lang na binuklat ko ang mga pahina ng aklat ay nabighani talaga ako sa ganda ng kwento. Nahasa nga ang aking galing sa pagbasa at napukaw ang gusto ko sa mga libro mula ng binasa ko ang nobela ni Rizal.  Sa unang tsapter pa lang ay para bang ayaw ko nang bitiwan ang libro.

Nanghihinayang nga lang ako dahil nawala na lang ang librong iyon. Hindi ko namalayan ang mabilis na paglipas ng panahon at hindi ko napansing wala na pala ang Noli na una kong nabasa. Noong huling makita ko iyun ay mga punit na ang pahina at wala ang kaniyang pabalat pero ni hindi ko man lang itinago ng mabuti. Kahit anong hanap ko ay hindi ko na talaga ito makita. Totoo ngang ang kahalagahan ng isang bagay ay matatanto lang kung kailan wala na ito.

Sa ngayon ay may mga binili na rin akong bagong sipi ng Noli at Fili bukod pa sa ginamit ko noong nag-aaral pa lang ako. Pero, kahit nakailang ikot na ako sa mga bookstore ay hindi ko pa rin makita ang kopya ng Noli na una kong nabasa. Minsan pumunta ako sa ating Pambansang Aklatan sa may Luneta pero hindi ko pa rin nakita ang hinahanap ko. Kayat sa aking palagay ay tama ang obserbasyon ni Ginoong Ambeth Ocampo na hindi istriktong naipatutupad ang batas lalo na ang Section 2 (http://www.scribd.com/doc/16610030/RA1425) na nagsasabing –

Section 2.    It shall be obligatory on all schools, colleges and universities to keep in their libraries an adequate number of copies of the original and unexpurgated editions of the Noli Me Tangere and El Filibusterismo, as well as of Rizal’s other works and biography. The said unexpurgated editions of the Noli Me Tangere and El Filibusterismo or their translations in English as well as other writings of Rizal shall be included in the list of approved books for required reading in all public or private schools, colleges and universities.

Kahit sinasabi ng batas na ito na obligasyon ng mga paaralan, kolehiyo at mga unibersidad na magkaroon ng “original” at “unexpurgated” na kopya ng Noli at Fili ay pahirapan ang paghahanap nito lalo na sa mga pampublikong paaralan. Sa aking naalala nakakita lang ako ng orihinal na Noli at Fili noong magtungo ako sa ating National Library.

Gayunpaman, naglipana ang bersyong komiks at pinaikling kwento ng mga nasabing nobela na puro larawan. Kung sabagay, ang mga ganitong bersyon kasi ang madali lang basahin at pwede na para makapasa sa klase. Ang kailangan lang ay magawa ang takdang-aralin. Sana lang ay madiskubre ng ating mga mag-aaral na napakaganda at napakasarap kung pagtitiyagaang basahin ang salin ng Noli at Fili ng buong-buo. Napakagaling at metikuloso ang pagkakalarawan ni Rizal sa bahay ni Kapitan Tiyago at sa inaabangang piging! Sa pagbasa ng kabanatang ito ay para ka na ring nakapasok sa mismong bahay ni Kapitan Tiyago at naging bahagi ka ng selebrasyon!

Sana bago mag-isip ng iba pang batas ang mga namumuno sa ating gobyerno ay tiyakin muna nila na naipatutupad ang mga naunang batas, regulasyon at mga ordinansa.  Sana siguraduhin muna na ang mga makakabuluhang batas tulad ng Rizal Law ay naipapatupad ng lubusan. Hindi dapat masayang ang pinaglaban nina Recto, Lacson at iba pang mga naniniwala sa kabutihang idudulot ng pag-aaral sa buhay ni Rizal!  Huwag rin nating hayaang makalimutan ng mga bagong henerasyong Pilipino ang pamana sa atin ng ating pambansang bayani.

Advertisements
This entry was published on January 27, 2012 at 12:02 pm and is filed under Uncategorized. Bookmark the permalink. Follow any comments here with the RSS feed for this post.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: