Kamusta na Philippine Eagle?

Naaalala mo pa ba noong una tayong nagkita sa Davao? Swerte kasing narating ko ang Eagle Farm noong nakasama ako isang seminar na ginanap dun. Kailan kaya mauulit ang ganuong pagkakataon? Nang una kitang makita ay agad akong humanga sa iyo!  Nanliit talaga ako sa iyo noon. Ang laki mong ibon! Ang pagaspas ng iyong mga pakpak tuwing ikaw ay lumilipad ay sapat na upang lahat ng bumibisita sa iyo ay pumalakpak. Ang talas ng iyung mga kuko ay nagbibigay kilabot sa lahat. Sa linaw raw ng iyong mata ay kitang-kita mo ang buong Mindanao.

Ang mga tumatayong balahibo sa iyong ulo ay ang koronang bigay raw ng Lumikha. Ikaw nga ang totoo at nag-iisang hari ng mga ibon dito sa Pilipinas!

Pero ngayong narito ka na sa wildlife sa Quezon City ay magkahalong saya at lungkot ang aking naramdaman.

Masaya… kasi nagkita tayong muli. Hindi ko na kailangang sumakay pa ng eroplano at pumunta uli sa Davao para makita ka lang. Naalala ko nga noong nakapunta ako sa Davao ay ang saya ko noon. Ang ganda ng lugar. Mababait rin ang mga tao. Nag-stay ako noon sa Apo View Hotel. Naranasan ko na masarap din pala makatulog sa ganuong klase ng hotel. Ang ganda ng view  mula sa kwarto at ang lamig ng aircon. Ang lambot din ng kama. Ang sarap nga ng tulog ko noon. Kailan kaya mauulit ang ganuong pagkakataon? Pag-labas ng hotel ay malapit lang ang Gaisano Mall kayat madaling mamasyal.  Ang isa pang maganda sa Davao noong naroon ako ay ang mga taxi nag-babalik ng sukli. Sana hindi nagbago ang mga ugaling ito ng mga taxi sa Davao. Dito kasi sa Maynila bukod sa namimili ang mga taxi ay malimit ring hindi nagbabalik ng sukli. Minsan nga “kontratahan” pa ang gusto ng ibang taxi at ayaw patakbuhin ang kanilang mga metro.

Noong nag-punta rin ako sa Davao ay narating ko rin ang “Pearl Farm”. Tuwang-tuwa ako noon! Ang sarap lumangoy duon sa kanilang pool na para bang konektado sa dagat. Infinity pool daw ang tawag sa mga ganuong klase ng mga swimming pool. Noong lumalangoy nga ako sa pool na iyun ay para bang napawi lahat ng aking mga problema. Talagang napakasaya ko at aking naramdaman na totoo ang kasabihang “there is a world beyond Cubao”!   Naalala ko rin na ang sarap ng mga pagkaing nakahanda sa kanilang restawran na mula sa ibat-ibang  mga bansa ang aking natikman. Mayroong American, European, Japanese, Korean at Pilipino na mga pagkain. Sana makabalik ako roon.  Nakakasawa na rin kasi ang  tapsi at longsilog…

Dahil pahirap na ng pahirap ang buhay dito sa Pinas ay malabo nang madalaw kitang muli sa Davao. Malabo na rin na magkaroon ako ng seminar sa opisina na gaganapin sa lugar na iyun.  Naghihigpit na rin kasi ng sinturon ang pinapasukan ko kayat madalang na rin ang mga seminar sa labas ng Metro Manila. Malabo na ring makaipon ng pamasahe para bumisita sa Davao at sa iba pang mga tourist spots. Nauuna pa nga ang mga foreigner na ma-enjoy ang magagandang lugar rito sa atin sa Pinas.  Kapag dollar rate na kasi ay hindi na talaga kaya ng bulsa. Ikaw Philippine Eagle narating mo na ba ang El Nido sa Palawan? Sabi nila maganda raw dun. Kung pwede lang akong lumipad tulad mo ay siguradong pumunta na ako dun. Ang sarap siguro lumangoy sa napakalinaw na tubig ng dagat at pagmasdan ang napakagandang tanawin. Ang Boracay narating mo na ba? “White sands” duon Philippine Eagle. Puting-puti raw ang buhangin kayat sikat ang lugar na iyun sa mga turista. Marami pa ang gimikan.

Mabuti na lang at narito ka na Philippine Eagle sa Quezon City. Kahit paano ay madalas na kitang madadalaw. Marami na ring mga taga-rito ang makakakita at makaka-kilala sa iyo. Marami kasi rito sa Maynila na sa pera at sa mga larawan ka lang nakikita. Kapag napagmasdan ka ng mga tao ay natitiyak kong hahanga rin sila sa iyo.  Ang imahinasyon ng mga bata ay lalawak at lilipad sa bawat pagaspas ng iyong mga pakpak. Ang kanilang mga puso ay mapupuno ng kagalakan.  Lahat ay mamamangha sa iyong laki. Lahat ay magsasabing tama lang na ikaw ang hiranging pambansang ibon ng Pilipinas.

Masaya ako at narito ka sa wildlife dahil darami na rin ang makaka-unawa sa iyong kalagayan at makaka-isip na ikaw ay pangalagaan.  Dahil ang iyong buhay ay naka-depende sa malagong kagubatan ay mabibigyan na rin prayoridad ang pangangalaga nito at ng ating kalikasan. Siguro sa pamamagitan mo Philippine Eagle ay masasalba na ang ating mga gubat. Kahit paano ay maiisip nila na may isang tulad mong dakila na nakatira sa mga gubat na ito.

Kaya lang habang pinagmamasdan kita sa kulungan mo ay aaminin kong hindi ko maiwasan ang malungkot.  Kahit gaano pa kalaki ang iyung kulungan ay alam kong hindi ito sapat para sa isang haring tulad mo. Sabi nga nila ang kulungan kahit gaano pa kaganda, kulungan pa rin iyun. Hindi ipagpapalit ng sino man ang isang malayang pamumuhay. Kayat alam ko na kung bibigyan ka lang ng pagkakataong pumili ay pipiliin mo ang makabalik ka sa gubat kung saan ikaw ay hinuli. Siguro ang pagkakahuli mo sa gubat ang isa sa pinakamalungkot na yugto ng iyong buhay.

Alam ko Philippine Eagle na gusto mong sumigaw ng malakas upang kanilang madinig ang matagal mo ng hinaing na palayain ka sa iyong kulungan. Mas gusto mong bumalik sa malawak na gubat at lumipad ng mataas at malaya. Higit mo ring nanaisin na makasama ang mga tulad mo ring Agila sa gubat at makipaghabulan sa kanila sa himpapawid. Para kasing ang lungkot ng buhay mo ngayon Philippine Eagle.  Nag-iisa ka lang dyan sa kulungan mo. Naghahanap ka siguro ng kasama. Alam ko kung gaano kalungkot mabuhay ng mag-isa. Gaya mo Philippine Eagle mag-isa lang ako sa bahay. Minsan nalulungkot din ako.

Sabi nila dito sa wildlife ay inaalagaan ka naman. May pagkain sa iyong harapan at hindi mo na kailangan pang lumipad ng malayo gaya noong nasa kagubatan ka para makahanap ng makakain.  Duon sa gubat ay hindi sigurado ang iyong pagkain. Halos kalbo na ang gubat na iyong tinitirhan kayat wala na rin ang mga hayop na iyung kinakain. Wala na ang mga unggoy, bayawak, ahas at pati na ang mga kulisap ay naglaho na rin. Kahit gaano pa katalas ang iyong mga mata ay wala ka ng makikitang pagkain. Gutom na raw ang aabutin mo sa gubat. Samantalang dito sa kulungan mo sa Quezon City, kahit paano’y tiyak ang iyong pagkain at inumin. Hindi mo na kailangang makipagsapalaran.

Sana higit na maging masigasig ang ating pamahalaan sa pag-sugpo ng illegal logging. Dahil sa talamak na pag-putol ng mga puno sa ating mga gubat ay nawawalan ng kaharian ang isang tulad mo. Nawawalan rin ng bahay ang ibang mga nilalang na ang buhay ay umaasa sa ating mayabong na kagubatan.

Ang mga may kasalanan o iyung kapos sa kapalaran lang daw ang dapat na ikinukulong. Hindi ko tuloy maiwasang itanong habang pinagmamasdan kita, ano kaya ang nagawa mong kasalanan Philippine Eagle at ikaw ay hinuli at ipiniit dito?

Marahil ay kapos ka rin pala sa kapalaran gaya ng maraming Pilipino. Tulad mo ay marami rin sa ating mga kababayan ang nakakulong kahit wala namang kasalanan. Marami kasi ang walang kakayahang magbayad ng abogado. May kabagalan rin ang pag-gulong ng kaso sa ating mga hukuman. Dahil dito ay marami ang nabubulok sa mga masisikip na piitan. Mayroon pa nga na ang kanilang pagkaka-kulong habang hinihintay ang desisyon ng hukuman sa kanilang kaso ay mas mahaba pa sa kanilang magiging kaparusahan. Paano kaya Philippine Eagle mapapabilis ang pag-usad ng mga kaso dito sa Pinas?

Siguro iniisip mo rin ang naiwan mong mga kamag-agila. Kamusta na kaya ang ibang kalahi mong Philippine Eagle sa gubat? Ilan na lang kaya ang natira sa kanila? Siguro hirap na hirap sila sa pag-hahanap ng pagkain at madadapuan. Wala na rin siguro silang mataas na puno na pwedeng gawan ng pugad.

Sana huwag dumating ang panahon na maubos kayong lahat na Philippine Eagle sa kagubatan ng Pilipinas o kaya naman ay lahat kayo ay makulong ng walang kasalanan.

Advertisements
This entry was published on February 9, 2012 at 11:31 pm. It’s filed under Uncategorized and tagged , . Bookmark the permalink. Follow any comments here with the RSS feed for this post.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: