Casa Ibiza

Ang mga Villa sa Casa Ibiza

Paano ba pumunta sa “Casa Ibiza” sa Antipolo?  Kailangan ko itong alamin kasi ito ang destinasyon na pupuntahan namin. Ang sagot – malapit lang ito sa sa may City Hall ng Rizal. Daraanan ang Unciano Hospital. Pagdating sa tapat ng Shopwise kanan. Diretso lang pagkatapos kaliwa sa Maia Alta Subdivision. Diretso lang hanggang malampasan ang rotunda at pagdating sa gate ng Maia Alta kaliwa at ilang metro lang ay bubungad na ang gate ng Casa Ibiza.

Madali lang itong puntahan kasi marami namang mga karatulang nakapaskil na nagtuturo kung paano mararating ang resort na ito pagdating sa may simbahan ng Antipolo. Ang kanilang address at mga telepono sa mga nais magpunta –  Sapang Buho, Dalig II, Antipolo City, Rizal/Tel. Nos. 632-4823487/632-4849393.

Ano naman ang masasabi ko sa Casa Ibiza?  Pagdating  sa resort ang unang babati ay ang kanilang magarbo at mataas na gate.  Isang naka-unipormeng gwardiya na tulad ng nakikita ko sa mga bangko ang nagbukas sa amin ng gate. Sinabi namin sa kaniya na nagpa-reserve kami kulang-kulang isang buwan na ang nakaraan. Tinanong niya kung sino ang nagpa-reserve at kami ay sinabihang magtungo sa kanilang “reception”.  Pagdating namin dun ay pinaghintay kami ng ilang nakakainip na sandali dahil may kailangan pa raw asikasuhin bago kami makapasok sa aming villa. Nag-sasagawa pa rin raw ng “light cleaning” sa villa na aming gagamitin.

Ang Children's Pool ng Casa Ibiza

Habang kami ay naghihintay ay naglakad-lakad muna kami at nilibot ang resort. Kumuha rin kami ng mga larawan. Pinilit magmukhang masaya sa mga litrato ng aking mga  kaibigan dahil balak  nilang ilagay ito sa Facebook. Kailangang maging masaya kasi nandito na. Hindi na pwedeng bumalik at sayang naman ang pinag-ipunan para makarating sa Casa Ibiza kung magiging malungkot lang.

Napansin namin na ang Casa Ibiza pala ay napapalibutan ng mga subdibisyon. Ang ilang bahay nga ay isang talon lang sa pader ay nasa loob na ng resort. Malaki naman ang lupaing sakop ng resort. Gayunman, hindi ito kalakihan gaya ng ibang resort na napuntahan ko na.  Ang kanilang dalawang swimming pools ay di ko inakala na ganuon kalaki pero tiyak kong matutuwa ang mga bata rito. Ang pinakamalalim na bahagi ng pool ay nasa limang talampakan (5 feet).

Maganda ang mga halaman na nakatanim sa gilid ng swimming pools.  Mayroong mga lugar kung saan pwedeng kumain at tumambay malapit sa pool. Mayroon ding karaoke kung saan pwedeng mag-kantahan. Ang magandang balita ay walang bayad ang pag-upo sa mga lugar na ito. May napansin din kaming isang karwahe na malapit sa kanilang gate. Mamaya- maya pa ay napansin rin namin ang isang magandang kabayo. Akala namin ay pwede mag-horseback riding dito sa Casa Ibiza ngunit ng aming tinanong ang mamang nakasakay sa kabayo ay sinabi niya na ang karwahe daw at ang kabayo ay ginagamit lamang tuwing may kasal at iba pang espesyal na okasyon.

Wala na kaming magawa  ng lumapit sa  amin ang  staff ng resort at sinabihan kami na pwede na raw kaming pamasok sa aming “villa”. Isusunod na lang daw ang mga towel at sabon. Pagkaabot sa amin ng susi ay dali-dali kaming nagpunta sa villa. Excited na pumasok ang aking mga kaibigan dahil ang iba ay gusto ng magpahinga kahit ilang minuto lang dahil pagod na sa biyahe at ang iba naman ay kanina pa pinipigil ang ihi.

Ang sinasabing “villa” ay mayroong sariling kusina, sala na tatlong tao lang ang maaaring umupo ng sabay-sabay depende sa laki, may “veranda” at tatlong kwarto sa itaas.

Lounge malapit sa 2 pool ng Casa Ibiza

Iyung dalawang kwarto sa itaas mayroong “kama” na para bang katulad ng ginagamit kapag nagpapamasahe ng whole body. Akmang-akma ito sa payat naming kaibigan. Ang sa tingin ko’y “master’s bedroom” ay may sariling CR at veranda. Bale dalawa ang CR sa itaas. Mayroong telebisyon, refrigerator, at naka-aircon ang mga kwarto. Dahil mayroong promo at “discounted” ang aming bayad sa Casa Ibiza ay masasabi kong sulit na rin kahit paano ang aming “overnight stay” Ang ibinayad namin ay P3,200.00 para sa limang tao. Kung walang discount ang bayad raw namin ay kulang-kulang P7,000.00

Nagkwentuhan muna kaming mag-kakaibigan habang nasa loob kami ng villa. Binuksan namin ang telebisyon ngunit ang aming atensyon ay wala sa panunuod ng mga palabas. Mas ninais naming magkamustahan, mag-bahagi at magkalat ng ibat-ibang kwento’t tsimis tungkol sa aming mga buhay-buhay at sa iba pa naming mga kakilala.  Nilibot din namin ang aming villa at sa veranda ay aking tanaw ang  lupaing sakop ng Casa Ibiza.

Napapagitnaan ito ng dalawang pool sa Casa Ibiza

Gutom na kami at ang iba kong kaibigan ay kanina pa nagbababad sa swimming pool ng mapansin naming wala pa lang restawran na maaring bilhan ng pagkain sa loob ng Casa Ibiza.  Kayat naka-ilang ulit kaming lumabas ng resort para bumili sa Shopwise at sa Ever ng softdrinks at iba pa naming kailangan. Lalo tuloy nalaspag ang lumang sasakyan ng kaibigan ko. Naubos ang gasolina nito na  ang usapan ay hati-hati kami. Nadagdagan tuloy ang aming gastos. Mabuti na lang at may dala  ang iba naming kasamahan ng pagkain na aming pinagsaluhan.

Noong nag-groceri kami ay napansin ko  na “paper bags” ang gamit na pambalot sa mga pinamili.  Bawal na raw ang pag-gamit ng plastics bags sa Antipolo sabi ng bagero sa groceri. Salamat naman at  nawala na ang mga plastic bags na bumabara sa mga estero at kanal na nagiging sanhi ng baha!  Kahit hindi kasing tibay ang mga paper bags kumpara sa mga plastic, ay masaya naming binuhat ang aming mga pinamili. Alam namin na malaking tulong sa kalikasan ang pag-gamit ng paper bags  dahil nalulusaw ito at hindi dumaragdag sa tambak ng basura sa Pinas. Sana gayahin ito mga dambuhalang malls sa Metro Manila. Sa aking palagay ay panahon na upang gumamit ng mga paper bags at tuluyan ng ipagbawal ang mga plastic. Sabi ng mga pag-aaral ay daang-taon daw ang kailangan para made-compose ang mga plastics.

Malamig ang hangin noong nagpunta kami sa Casa Ibiza at nang kinagabihan ay  umulan. Dahil sa buhos ng ulan ay lalo tuloy lumamig ang dati ng malamig na tubig sa swimming pool. Upang masulit ang pagod, oras at gastos sa pagpunta sa Casa Ibiza ay pinilit naming patuloy na lumangoy sa pool kahit nanginginig at nangangatog na kami sa ginaw. At kahit may malaking babala sa pool na walang “lifeguard” na nakaduty para magsalba ng nalulunod, ay di pa rin kami nag-paawat sa paglangoy. Napuno ng tawanan, hagikhikan at biruan ang swimming pool ng Casa Ibiza.  Pinilit talaga naming maging masaya kahit bitin sa lahat ng bagay dahil nanghihinayang kami sa hati-hati naming gastos makarating lang sa resort na ito.

Inabot kami ng madaling araw sa swimming pool. Naubos na rin ang aming pagkain at dalang mga inumin. Hindi na rin namin matitiis ang ginaw. Pero masarap pala  ang lumangoy habang umuulan. May dala siyang kakaibang pakiramdam.  Para bang mas masarap pa magbabad sa tubig ng pool kasi mas malamig ang umahon. Sana nga lang

Adult Pool sa Casa Ibiza

iwasan ng mga bisita ang pag-ihi sa pool habang lumalangoy. Naitanong ko tuloy sa aking sarili kung ilang beses kaya pinapalitan ang tubig ng swimming pools dito sa Casa Ibiza?

Bagamat dumanas kaming ng ilang nakayayamot na mga sandali sa Casa Ibiza ay kahit paano’y napanatili namin ang pagiging masaya. Sayang naman ang panahon at gastos kung sasayangin lang namin. Alam naming lahat na kaya kami nag-punta sa resort ay upang mag-enjoy at kahit panandalian lamang ay makalimutan ang mga suliranin sa buhay.

Sa gitna ng kahirapan sa Pilipinas, dapat maging masaya kahit sa mga simpleng bagay lang. Walang mangyayari kung ang problema ay lalo pang proproblemahin. Kailangan din na kahit paminsan-minsan ay mag-punta sa mga ganitong lugar  para magkasama-sama at maranasan ang magandang bahagi ng ating buhay. Masama rin kasi sa katawan at sa isipan ang wala man lang pahinga. Kaya’t kahit kapos ay pinipilit makapag-ipon  makapamasyal lang sa mga ganitong lugar.

Sa pag-punta sa Casa Ibiza at sa iba pang mga pook-pasyalan ay dapat alamin ang lahat ng impormasyon tungkol sa lugar. Ang mga impormasyong ito ay mahalaga upang malaman ang kalagayan ng lugar at  mga kailangan dalhin. Nararapat rin na malaman kung ano ang naging karanasan ng  mga naunang pumunta nang sa ganun ay magkaroon na ideya kung maganda ang lugar at karapat-dapat nga itong bisitahin.

 

Advertisements
This entry was published on February 25, 2012 at 5:34 pm. It’s filed under travel and tagged . Bookmark the permalink. Follow any comments here with the RSS feed for this post.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: